Abante Tonite Interactive

Pamilya sa Kidapawan niligtas ng aso sa cobra

697

Pinatunayan ng isang Dachshunds ang katapatan sa kanyang amo matapos itong magbuwis ng buhay para lamang iligtas ang pamilyang nag-aalaga sa kanya mula sa pag-atake ng isang cobra sa Kidapawan City, Cotabato.

Ang asong si Miley ay isa sa dalawang alagang Dachshund ni Jaime Selim.

Sa kanyang Facebook post, ikinuwento ni Selim na isang cobra ang nagtangkang pumasok sa kanilang tahanan sa Brgy. Lanao, Kidapawan City noong Biyernes nang hapon pero hinarang ito ng dalawa nilang alagang Dachshund.

Nakuhanan ng closed-circuit television (CCTV) camera ang insidente kung saan tinataboy ng dalawang Dachshund ang cobra at nagkaroon pa sila ng labanan.

Nasawi sa pag-atake ng cobra si Miley habang nasugatan naman ang isa pang alagang aso ni Selim.

Malaki ang pasasalamat ni Selim dahil kung hindi aniya napatay nina Miley ang cobra malamang nakapasok ito sa kanilang bahay at baka natuklaw ang pitong taong gulang na anak niyang babae na natutulog noon sa loob ng kuwarto nito.