Abante Tonite Interactive

Pamilya Sarmenta, Gomez na-trauma uli

533

Muling nanumbalik ang dating sakit, matinding takot at pakikipaglaban ng pamilya ng pinatay at ginahasang estudyante ng University of the Philippines (UPLB) na si Eileen Sarmenta ngayong lumutang ang mga balita kaugnay ng posibleng paglaya ni dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.

Sa isang interview, hinamon ni Ma. Clara Sarmenta, ina ni Eileen ang mga awtoridad na ipakita sa kanya ang ebidensya na nagbago na ang convicted killer-rapist ng kanyang anak para makalaya ito sa New Bilibid Prisons (NBP).

Ayon kay Mrs. Sarmenta, hindi sila inabisuhan man lang ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng napipingtong paglaya ni Sanchez na utak sa rape slay kay Eileen Sarmenta sa UPLB at pagpatay sa boyfriend nitong si Allan Gomez noong 1993.

“As far as we know, it was supposed to be channeled to the Board of Pardons and Parole and if he has a petition, filed for a parole dapat binigyan kami ng notice… kaya kami hindi po kami nakapag-take ng any course of action kasi wala po sa amin nakarating na meron siyang petition for that,” sabi nito.

Aniya, gagawin niya ang lahat ng paraan para maharang ang paglaya ng rapist killer ng kanyang anak.
“Paano naman po nila sinasabi na well-behaved siya doon. Doon nga po kami nagtataka kaya bilang isang ina, bilang isang mamamayan na nag-iisip ng tama, ang sinasabi pa namin, did money talk here?” pahayag pa nito.
Aniya, naniniwala sila na mala­king pera ang kumikilos para mapalaya si Sanchez.
“Hindi pa po kami nakapag-consult sa lawyer but what we’re planning to do is go to the Board of Pardons and Parole tomorrow, bring a letter of appeal para hindi matuloy ang sinasabi nila na makalaya si Sanchez, based on this, na hindi naman kami na-inform,” pahayag nito.

Labis umano ang sakit na kanilang naramdaman nang mari­nig ang ba­lita at dito muling nanumbalik ang malaking bangu­ngot na dumating sa kanilang buhay,

“To tell you the truth, I wasn’t able to sleep last night. Everything came back to me. the pain, the struggle, bringing back our lives together. Bumalik ulit lahat ‘yun. I’m really sorry that I’m crying,” sabi pa niya,
Ayon naman kay Lumen Gomez, ina ni Allan Gomez, hindi nila mapapatawad si Sanchez sa ginawa nito sa kanyang anak.

“Kasabihan lang ‘yung we forgive we forget, no. Salita lang ‘yun. But within every mother, every victim, it’s an aching heart, hindi totoo ‘yun.” Nanawagan din ito sa mga kabataan na maging mapanuri at ‘wag hayaang maulit ang kanilang karumal-dumal na krimen.

Si Sanchez na kilala sa kanyang kakaibang hair style at public display nang pagiging isang deboto kay Mama Mary ay nasentensyahan ng pitong life imprisonmenent noong 1995.

Si Pasig RTC Judge Harriet Demetriou ang nagbigay ng sentensya kay Sanchez.

Sa kasalukuyan, nagsagawa ng protest rally at vigil ang mga estud­yante ng UPLB bilang pagtutol sa pagpapalaya ni Sanchez
Samantala, ilan sa mga kahindik-hindik na impormasyon kung paano nangyari ang krimen 26-taon na ang nakaraan ay ginawang interview ni Sarmenta kay Sanchez para sa school paper. Dito nagkainteres si Sanchez kay Sarmenta.

Ipinadukot ang biktima matapos ang interview habang kasama ang kanyang boyfriend na si Gomez. Dinala ang mga ito sa bahay ni Sanchez at dito ginahasa. Matapos gahasain ay pinilahan ito ng kanyang mga bodyguard. Ilang araw ang nakalipas ay nakita ang bangkay nina Sarmenta at Gomez. Lumabas sa medico-legal report na halos kasing dami ng isang lata ng sardinas ang nakuhang semen o semilya sa bangkay ni Sarmenta (Allan Bergonia/JC Cahinhinan/Dindo Mati­ning)