Abante Tonite Interactive

Pamilya Sarmenta, Gomez: Tuloy ang laban!

333

Nanindigan ang pamil­ya Sarmenta at Gomez na hahadlangan nila ang napipintong pag­laya ni dating Calauan Mayor Antonio Sanchez na nahatulan ng pitong ulit na reclusion perpetua dahil sa panggagahasa at pagpatay kina Eileen Sarmenta at Allan Gomez noong 1993.

Sinabi ni Ma. Clara Sarmenta, ina ni Eileen na iaapela nila sa Board of Pardons and Parole ang gagawing posibleng pagpapalaya kay Sanchez.

“To tell you the truth, I wasn’t able to sleep last night. Everything came back – the pain, struggle, bringing back our lives together. Bumalik lahat iyon,” ayon kay Ma. Clara.

Nagulat umano ang ginang nang mabalitaan niya na kandidato si Sanchez na makalaya at hindi umano ipinaalam sa kanila ng Department of Justice (DOJ) na makakalaya si Sanchez.

Samantala, lumahok naman sa isinagawang protesta ng mga estud­yante kontra sa paglaya ni Sanchez ang nanay ni Allan Gomez na si Illuminada Gomez.
“Let us not make this thing of release or pardon happen,” ayon kay Illuminada.

Sa isang panayam kay Mrs. Gomez sa ginawang rally ng mga estudyante ng UPLB noong Huwebes, sinabi nito na dinukot ng mga goons ni dating Mayor Sanchez ang kanyang anak noong 1993 at hinalay si Sarmenta ni Sanchez bago patayin.

“Parang walang katinuan ang mga taong humalay at pumatay sa mga mahal namin sa buhay,” anang luhaang ginang.

Si Ginang Gomez ay nakiisa sa rally sa mga estudyante ng UPLB, alumni at mga ibang empleyado ng UPLB para iprotesta ang napipintong paglaya ni Sanchez.

Kinuwestiyon naman ni Filemon Nolasco, abogado ng pamilya Gomez ang sinasabing good behavior ni Sanchez.

“Sino ang magsasabi na ang isang preso ay may good conduct at dapat nang palayain? ‘Yun ang dapat ipaliwanag. Masusi naming pag-aaralan ang good conduct ng dating Mayor Antonio Sanchez,” ayon kay Nolasco.

Nabatid na si Sanchez ay may 24 taon nang nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) at may hatol na pitong ulit na life sentence. (Juliet de Loza-Cudia/Allan Bergonia)