Abante Tonite Interactive

Pamilyang jackpot sa mana niratrat

507

Todas ang isang mag-asawa habang sugatan ang tatlo nilang anak na pawang mga menor de edad nang pasukin at pagbabarilin ng nag-iisang gunman dahil umano sa inggit makaraang umangat sa buhay dahil na rin sa sinasabing natanggap na mana sa Brgy. Payatas, Quezon City kamakalawa.

Namatay noon din ang mag-asawang sina Jonathan Bernabe Manuel, 38-anyos, electrical technician, at Jonalyn Breto Manuel, 38, habang sugatan naman at naka-confine sa East Avenue Medical Center ang anak nilang sina Nathaniel, 14; Dyle Gamaleil, 8; at Harold Keil, 6, pawang residente ng Lanzones St., Brgy. Payatas-B, QC.

Sa inisyal na report kay P/Capt. Juan B. Mortel ng Quezon City Police District (QCPD)-Criminal Investigation and Detection Unit, ang pamamaril ay naganap alas-8:30 nang gabi (June 3) sa loob mismo ng kanilang tahanan.

Habang nanonood ng telebisyon ang pamilya-Manuel sa loob ng kanilang tahanan nang bigla na lang pasukin ng ‘di kilalang lalaki na nakaasul na helmet, asul na long sleeve shirt at pantalon at bigla na lang pinagbabaril ang mga biktima.

Nang masiguro ng gunman na todas ang target ay mabilis nang tumakas bitbit ang ‘di pa matukoy na baril na ginamit sa krimen.

Isinugod naman ng mga kapitbahay ang tatlong bata sa ospital.

Ayon kay Aileen Candoleta, kapatid ng biktima, may minanang lupa ang kanyang kapatid sa kanilang tiyahin at marami ang naiingit sa kabuhayan ng mag-asawa na posibleng dahilan para sila ay patayin.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso upang matukoy kung sino ang nasa likod ng pagpatay. (Dolly Cabreza)

Tonite – Wendys Inhouse Ad