Abante Tonite Interactive

Pamilyang nakatira sa mga tabing kalsada, marami pa rin

0 154

Sa kabila ng mga inilunsad na ­programang pang-mahihirap ng gobyerno, marami pa rin ang mga dapat na tutukan at bigyang ­pansin sa bansa.

Isa na rito ang mga pamilyang walang sari­ling tirahan o tutuluyan kayat kuntento na ang mga ito na matulog sa gilid ng lansangan lalo na sa mga pangunahing lungsod sa bansa.

Sa aking paglilibot sa ilang lungsod sa Metro Manila, kapansin-pansin pa rin ang maraming bilang ng mga mahihirap na pamilyang nakatira sa gilid ng mga kalsada, katabi ang kanilang kariton .

Nagkakasya ang isang mag-anak sa tatlong pinagtabi-tabing karton na nagsisilbing banig ng mga ito para makaraos sa isang magdamag.

Ilang administrasyon na ang nagdaan subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakapagtatag ng konkretong hakbang ang mga ahensiya ng gobyerno kung paano maialis ang mga pamilyang ito sa mga lansangan.

Kumikilos lamang ang gobyerno kapag mayroong mahahala­gang aktibidad sa ­bansa at kapag may mga ­dayuhang bisita kaya inaalis ang mga pamilyang ito sa mga kalsada.

Maging ang local executives ay walang permanenteng programa para sa mga mahihirap na pamilyang nakatira sa mga gilid ng lansa­ngan o kaya ay nasa mga ilalim ng tulay na peligroso para sa mga ito.

Mayroong inilunsad noon na “balik-probinsiya” ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan pinapauwi sa probinsiya ang mga pamilyang walang taha­nan sa Metro Manila at iba pang mga lungsod subalit tila hindi na ito naipagpatuloy pa.

Nakapaloob sa balik-probisiya program ang pagbibigay ng kaunting tulong para makapagsimula ang isang mahirap na pamilya pagdating sa kani-kanilang probinsiya subalit tila hindi na ito naipagpatuloy pa.

Pagsapit ng gabi ay makikita ang mga pamil­yang walang sariling ta­hanan sa mga gilid-gilid ng kalsada o kaya ay sa harapan ng mga gusali na nagsisilbing pansamantalang kanlungan ng mga ito para sa isang magdamag.

Ang mga pamilyang ito ay palaging nakalantad sa panganib hindi lamang sa isyung ­pangkalusugan ­kundi panganib laban sa mga masasamang tao na posibleng manakit o ­gumawa ng hindi maganda sa mga ito.

Baka naman mapansin ito ng mga alkalde sa Metro Manila, tutal naman ay nagpapasik­laban kayo at nagpapagalingan sa inyong constituents, baka naman puwedeng pag-isipan ninyo kung anong magandang programa ang maaari ninyong maitulong sa mga kapwa Pilipinong hindi kasing suwerte ninyo sa buhay.

Pangatawanan na ninyo ang pagtulong sa kapwa dahil ang ­kapalit naman sa inyo ay pagpapala.