Abante Tonite Interactive

‘Pamimili ng boto’ sa Olongapo, itinanggi

253

By Jojo Perez

Mariing itinanggi ng Team Khonghun-Paulino na may nagaganap na vote buying sa Olongapo City matapos akusahan ni senador Richard Gordon.

Sa ginanap na press confe­rence, sinabi ni Mayor Rolen Paulino na isa lamang itong political harassment.

“Wala pong vote buying na nangyayari, ang ipinakikita nila ay litrato na bumababa sa dyip at nakaangkas sa traysikel. Paano po naging vote buying yon?” ayon pa kay Paulino.

Si Anne Gordon, hipag ni Sen. Gordon ay mahigpit na kalaban sa pagka-alkalde ni Atty. Len Paulino, na anak ni Mayor Rolen.

Samantala, muling iginiit ni Subic Mayor Jay Khonghun at 1st District of Zambales Congressman Jeffrey Khonghun na hindi sila sangkot sa droga.

Isa sa kinuwestiyon ng naka­kabatang Khonghun ang narco-list kung saan mali ang kanyang middle name at masasabing hindi siya ang nasa nasabing listahan.

“Kung talagang verified yan, pinag-aralan at validated po iyang narco-list dapat po tama ang name ko.” ayon pa kay Mayor Jay.

Naniniwala naman si Cong. Khonghun na hindi dapat inilabas ang nasabing listahan dahil sasamantalahin umano ito ng kanilang kalaban sa politika masira lamang sila sa akusasyong walang katotohanan.