Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Panaghoy ng isang kapus palad

0 126

Sadyang malupit ang mundo.

Ito ang hinagpis na pahayag ng isang biyudong namatayan ng asawa at hindi maibigay ang nararapat na libing sa yumaong kabiyak dahil sa pagiging isang kapuspalad at walang-wala.

Si Tatay Jaime at ang kabiyak na si aling Violy ay mag-asawang sa kalsada lamang natutulog dahil sa karukhaan at kawalan ng oportunidad na magkaroon ng regular na trabaho.

Pa-ekstra ekstra lamang sa construction si Tatay Jaime at nagagawa namang maitawid ang kanilang pang-araw araw kahit salat subalit hindi ang magkaroon ng maayos na masilungan o matulugan.

Dahil sa komplikasyon sa sakit na diabetes ay pumanaw si Nanay Violy at sa tulong ng ilang nakakilala sa kanila ay nagawa namang maiburol sa isang bakanteng lote sa Lungsod ng Maynila.

Dito nag-umpisa ang mas matinding kalbaryo ni Tatay Jaime dahil hindi maipalibing ang asawa bunsod ng kakulangan ng pambayad sa puneraryang nagsersbisyo sa yumaong kabiyak.

Nagbigay ng tulong-pinansiyal ang DSWD subalit hindi ito sapat para sa gastos sa burol at libing kaya habang nadagdagan ang araw na nakaburol ay nadadagdagan din ang bayarin sa punerarya.

Dahil hanggang anim na araw lamang ang bisa ng gamot na isinaksak sa katawan ng namatay na asawa, sinabihan ng staff ng punerarya si Tatay Jaime na dalhin muna sa kanilang morge ang bangkay at saka na lamang ito ilibing kapag may maipambayad na sa kanilang serbisyo.

Halos masiraan ng isip ang biyudo kung saan maghahagilap dahil wala naman silang kamag-anak sa Metro Manila at ang nag-iisang anak ay walang wala rin at walang trabaho dahil sa pandemya.

Lumapit si tatay Jaime sa mga opisyal ng barangay pero wala ring nagawa, na-abot lang ng P500, habang ang isang kongresista sa kanilang lugar ay nag-abot din naman pero hindi sapat para maitawid ang tumataas na serbisyo sa punerarya.

Lahat ay ginawa ng pobreng biyudo hanggang sa makarating sa City Hall at nabigyan ng libreng libing para sa asawa. Pero ang problema , hindi mailibing dahil kailangang magbayad muna ng balanse sa punerarya.

Ilang araw na lutang ang isip, labis na lungkot at gutom ang tiniis ni tatay Jaime sa paghahanap ng paraan para maipalibing ang asawa at sa tulong ng ilang taong may ginintuang puso nangako ng konting tulong ay nabuhayan ito ng pag-asa.

Sa pamamagitan ng pakiusap sa kinatawan ng punerarya sa harapan ng mga barangay official ay pinayagang mailibing na nitong Sabado si Nanay Violy, matapos ang pangako na babayaran sa loob ng 16 araw ang balanse sa punerarya.

Bago ilagay sa hukay ang yumaong asawa, hiniling ni Tatay Jaime sa staff ng punerarya na buksan ang kabaong para mahalikan sa huling sandali subalit nagulat siya at ang mga iilang nakipaglibing dahil naaagnas na ito, may mga gumalaw ng insekto sa ilang bahagi ng katawan at mistulang lumot na amag.

Samakatwid, posibleng hindi inayos ng punerarya ang pansamantalang paglalagak sa morge kay Nanay Violy.

Gustuhin mang magreklamo, hindi alam ni tatay Jaime kung paano, at kung saan lalapit dahil kapos siya sa nalalaman at ang tanging alam na laban ay ang hamon sa ikot ng mahirap na buhay lalo na sa tulad niyang kapus palad.

Ilan pa kayang Tatay Jaime ang dumaranas ng ganitong buhay? Hindi sila napapansin ng gobyerno, walang malinaw na programa kung paano matulungang makabangon at mabigyan ng kahit simpleng buhay.

At para sa puneraryang walang kunsiderasyon at pera lang ang habol, sana magbago na kayo, hindi ninyo madadala sa inyong hukay ang salapi, hindi ninyo mabibili ang dobleng buhay at gaya ng mahihirap na tao, kakainin din kayo ng lupa balang araw kapag dumating ang panahon na kayo na ang hatulan at husgahan ng nasa Itaas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.