Abante Tonite Interactive

Panaginip tungkol sa nawawalang anak

0 156

Dear Drem Catcher:

Ask ko lang po about my dream. Napanaginipan ko po ang anak ko po na hinahanap ko sa panaginip nakita ko pero bigla ring nawala. Sa totoong buhay po kasi may anak akong nawawala. May isang taon na nang mawala siya.

Special child po siya at nasa 20 years ang edad. Patuloy pa po ang paghahanap ko sa anak ko.
Leonora

Dear Leonora:

Ang panaginip tungkol sa pagkawala ng isang anak ay kabilang sa mga common dream ng isang magulang. Ito’y dahil kaakibat na ng ating pagmamahal sa sinumang miyembro ng pamilya ang takot ng isang araw ay bigla na lamang mawala o may mangyaring masama sa ating mahal sa buhay.

Pero sa iyong kaso, totoong nawawala ang iyong anak. Ayon sa iyo, may isang taon nang nawawala ang iyong anak na isang special child. Kaya naman ang iyong pana­ginip na hinahanap mo siya ay bahagi ng iyong stress sa kanyang pagkawala.

Napanaginip mong hinahanap mo siya at bigla mo siyang nakita pero big­la rin siyang nawala ulit. Ang bahagi ng panaginip mo na nakita mo na hinahanap mo ang iyong anak ay representasyon ng pag-asang hindi mamatay-matay sa puso na isang araw ay makikita mong muli ang iyong anak. Bilang magulang, hindi mo isinusuko ang pangarap mong muli siyang makasama. Napa­kanatural nito sa kahit sinong magulang lalo na sa isang ina.

Ang bahagi naman ng iyong panaginip na matapos mo siyang mahanap ay muli siyang nawala ay mensahe naman ng iyong subconscious sa iyong dream state.

Nang makita mo siya sa iyong panagi­nip, nabuhay ang iyong pag-asa pero ipinaalala agad ng iyong subconscious ang reyalidad na nawawala pa rin ang iyong anak kaya naman sa panaginip mo ay muli siyang nawala.

Walang simbolismo sa panaginip mong ito sa halip ay bahagi ito ng iyong grief at pangungulila sa kanyang pagkawala. Ang iyong panaginip ay psychological at idinulot ng stress na hindi mawawala hanggang hindi mo nakikita ang iyong anak.

Tatagan ang kalooban at doblehin pa ang effort sa paghahanap sa iyong anak. Bilang magulang, ikaw ang kanyang pag-asang muling makabalik at alam ito ng isip mo at higit sa lahat, alam ito ng puso mo.

Dream Catcher
***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng gene­ral information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kina­laman sa relihiyon, kulto o anumang espirit­wal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang pa­naginip, mag-email sa abantedreamcat­cher@gmail.com.