Abante Tonite Interactive

Panagutin, parusahan ang mga pabayang LGUs

20

Suportado sa Senado ang isinusulong na imbestigasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga local government units (LGUs) upang alamin kung saan napupunta ang inilalaang intelligence at discretionary fund sa mga ito.

Isang special body ang itatatag ng Pangulo para mag-imbestiga sa mga LGUs.

Itinulak ni Pangulong Duterte ang imbestigasyon dahil sa kabiguan ng mga local government officials na iayos ang basura sa kanilang mga bisinidad.

Ayon kay Pangulong Duterte dapat ay naayos ng mga LGUs ang basura sa kanilang mga nasasakupan dahil mayroon naman silang sapat na pondo para dito.

Bilang suporta sa itinutulak na imbestigasyon ay sinabi ni Sen. Loren Legarda na walang lusot ang LGUs sa hindi pagsunod sa batas ng solid waste management dahil bukod sa mayroon silang discretionary funds ay isinasaad ng batas ang solid waste management.

Ang batas patungkol sa tamang pagtapon ng basura o ang Ecological Solid Waste Management (EWSM) Law o Republic Act 9003 ay 15-taon nang umiiral.

Layon ng batas na magkaroon ng malinis na kapaligiran sa pamamagitan ng paggamit ng sistema ng solid waste management mula sa segregation ng basura, “segregated transportation, processing, treatment at proper disposal ng solid waste”.

Nakakalungkot dahil pati ang kaliit-liitang problema na dapat ay tinututukan ng LGUs ay binibigyang-pansin na rin ng Pangulo, isang indikasyon para umayos ang mga mayor at gobernador na walang pakialam sa kalinisan ng kanilang mga nasasakupan.

Tama lamang na imbestigahan ang mga LGU na walang ginagawang aksyon para panatilihin ang kalinisan sa kanilang mga nasasakupan gayong may sapat namang halaga na inilalaan para dito.

Naniniwala kami na kailangan talaga ng isang kagaya ni Pa­ngulong Duterte para kalampagin ang mga mayor at gobernador na nakakaligtaang bahagi ng kanilang tungkulin ang pagpapanatili sa kalinisan at kaayusan ng kanilang mga nasasakupan.