Abante Tonite Interactive

Panahon na para sa ‘matalinong serbisyo’ sa Batangas — Recto

947

Napapanahon ang ‘matalinong serbisyo’ sa lalawigan ng Batangas upang lubusan itong umunlad.

Ayon kay Batangas vice gubernatorial candidate Ricky Recto, maunlad na ang Batangas ngunit malaki pa ang ibubuga nito kung maipapatupad ang kanyang adbokasiya sa ‘smart governance’.

“Kailangan ang kaalaman kung paano pakikinabangan ang yaman ng lungsod sa imprastraktura, tu­rismo, kalakalan at talento ng mga Batangueno,” ani Recto.

Aniya, mapalad ang Batangas dahil nabiyayaan ito ng ‘world class tourist spots,’ isang international seaport at mga road network na siyang sangkap para sa malakas na ekonomiya.

Dahil dito, sinabi ni Recto na handa siyang bumalik sa pagka-bise gobernador gamit ang talino at serbisyo na taglay ng kanilang pamilya. “Ito po ang ibig sabihin ng Tunay at Tapat na Serbisyo Tatak Recto,” dagdag pa niya.

Kapatid ni Ricky si Senator Ralph Recto na kilala sa pagbabalangkas ng mga batas na may kinalaman sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa. Si Ralph ay asawa naman ni Vilma Santos na nagpaunlad ng Batangas nang siya ang gobernador nito. Lolo naman nina Ricky at Ralph ang sikat na statesman, jurist at poet na si Claro M. Recto.

Todo naman ang suporta ni Ralph at Ate Vi kay Ricky. Sa isang statement, sinabi ng mag-asawang Recto na, “ Taus puso naming sinusuportahan ang pagbabalik bilang bise gubernador ng lalawigan ng Batangas, ang aming kapatid na si Bise-Gubernador. Tawag ng panahon ang kanyang pagbabalik sa matalinong pagsesebis­yo sa Batangas.”