Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Panahon ng santol kaya mag-sinantolan tayo

0 90

Ang lalaki ng mga santol na nakikita ko ngayon sa mga pamilihan. Bangkok santol ang tawag sa variety ng mga malalaking santol. Pero masarap din naman ang maliliit na santol na Philippine variety. Ang mura pa dahil P25 hanggang P30 lang bawat kilo sa Quezon City. Masarap isawsaw ang balat sa asin, patis o bagoong.

Alam n’yo bang ang santol o cotton fruit ay napakahusay sa kalusugan? Sa katunayan, maaari itong maging panlaban sa kanser dahil sa anti-oxidant properties nito. Maganda rin ang santol sa pagpapalakas ng resistensya. Mahusay din laban sa diabetes dahil sa mababang glycemic index. Ang fiber mula sa prutas ay nakakapagpabagal sa paggiling ng pagkain sa tiyan na nakakahadlang naman sa biglang pagtaas ng blood sugar. Ang balat ng santol ay mayaman sa byrnoic acid at sandorium acid na nakakahadlang naman sa pagkakaroon ng mga allergies.

Nakakababa rin ng bad cholesterol ang santol. Mayroon pa itong iron na maaaring makatulong laban sa anemia, lalo na sa mga masyadong malakas mag-buwanang dalaw. Mayaman din sa calcium at phosphorous na kailangan ng ating mga buto.

Nakakamangha rin na ang santol ay isang memory booster. Sa pagkagat ng santol, ang bibig ay lumilikha ng maraming laway na makakatulong sa pagpapaganda ng ngipin. Kapag hindi rin maganda ang pagdumi, santol ang pantulong diyan.

At huwag din itapon ang balat! Sindihan ito sa dulo at ang usok na nililikha nito ay panlaban sa mga lamok.

Pero ang pinakamaganda rito, ang santol na prutas ay puwede ring gawing pang-ulam. Ang sinantolan o ginataang santol ay isang ulam na nagmula sa Katimugang Luzon, partikular sa Bicol Region. Tatanggalin lamang ang matigas na balat ng santol at ang panloob na balat ay tatadtarin. Kailangang makuha ang katas mula sa panloob na balat ng santol. Puwedeng ilagay ang tinadtad na balat sa isang katsa at saka pilipitin ito na parang nagpipiga ng labada. Ang proseso na ito ay nag-aalis sa sobrang asim ng santol at ang tinadtad na balat ay mas nasisipsip ang coconut cream.

SM food to go Banner Ad

Giniling na baboy o kahit tinaga ng maliliit na baboy ang maaaring ipangsahog dito, lalo na kung may taba ang karne. Pork shoulder o pork belly ang pinakamainam na ipangsahog sa ginataang santol. Mahalaga rin ang kalidad at lasa ng bagoong na idadagdag. Magsimula sa dalawang kutsara lamang ng bagoong at dagdagan na lamang base sa inyong panlasa. At siyempre, ang sili ang mahalaga rin dito.

Narito ang mga kailangan para sa ginataang santol: 4 na piraso ng binalatang santol, tinanggal ang buto. ¼ lb. ng giniling na baboy, 3 tasa ng coconut cream (o gata ng niyog na sariwa), 2 pirasong siling panigang na hihiwain ng maliliit, 5 piraso ng siling labuyo, 2-3 kutsara ng bagoong, 1 sibuyas na tatadtarin, 3 butil ng bawang na pinitpit, 3 kutsara ng mantika.

Tadtarin ang santol. Kung mayroong food processor, ilagay ito doon. Ilagay ang natadtad na santol sa isang katsa at saka ito ibilot at pigain. Itabi ang napigang balat.

Initin na ang mantika sa kawali at saka igisa ang bawang at sibuyas. Idagdag ang giniling na baboy. Kapag nag-light brown na ang baboy, idagdag na ang tinadtad na santol at lutuin ng 3 hanggang 5 minuto. Ilagay ang gata ng niyog at pabayaang kumulo. Medyo haluin at saka takpan. Kapag nabawasan na ng kalahati ang likido, idagdag na ang siling panigang at ang siling labuyo, Hayaan na matuyo ang likido.

Ready na ang inyong ginataang santol!

Leave A Reply

Your email address will not be published.