Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Panalo ang salted egg pasta

0 178

Ang aking partner sa radyo na si Lito Gagni, isa ring business columnist, ay taga-Pateros. Naapektuhan ng husto ang kanilang itlog na maalat at balut industry dahil sa lockdown. Ang ginawa niya para makatulong, namili siya at namigay ng mga itlog na maalat at balut sa mga kaibigan at sa aktres na si Angel Locsin para maitulong naman nito sa mga nangangailangan

Isa ako sa napatikim ni Lito ng itlog na maalat ng Pateros na nagmamantika ang pula.

Ang itlog na maalat o salted duck eggs ay pamana sa atin ng mga Chinese. Ika-anim na siglo pa lang ay gumagawa na sila nito.

Nakamulatan kong ang itlog na maalat ay inihahalo sa kamatis at sibuyas at ginagawang ulam o kasabay ng pritong isda.

Pero ngayon, ang itlog na maalat ay inihahalo na sa mga chips, salad at maging sa dessert. Nagiging mahal ang pagkain na hinaluan ng salted egg.

Siguro ay dahil kailangan mo ng napakaraming itlog bago makuha ang tamang timpla nito sa pagkain. At kadalasan, ang pula lang ng itlog (egg yolk) ang ginagamit.

Ito ang ibabahagi ko ngayon, ang salted egg pasta na ipinatikim sa akin ni Chef Dino Datu (IG: baker_gel_salonga).

Tantiyahan lang ang ginawa ko sa aking salted egg pasta. 8 itlog na pula na tatanggalin ang puti at iiwan lang ang pula. Masahin o pisain ang itlog sa pamanagitan ng tinidor habang nagdadagdag ka ng kaunting mainit na tubig para ito ay lumambot. Mas maganda kung ang pinagpakuluan mo ng pasta ang gagamitin mong tubig.

Maggisa ng malalaking hipon sa butter at tinadtad na bawang. Hayaang kumatas ang lasa ng hipon. Ang ginawa ko, binalatan ko muna ang hipon pero isinama ko ang ulo sa paggisa para ito ay lumasa.

Idagdag ang minasang itlog na maalat sa paggisa. Dagdagan ng herbs tulad ng celery. Magdagdag ng asin at paminta para lalong maging malasa.

Ihalo ang pasta sa ginisang itlog na maalat at hipon. Ready na ang iyong salted egg pasta!

Mayroon ba kayong sariling recipeng pambahay o menu sa inyong restaurant? Ipatikim na yan! Magpadala lang ng mensahe sa ating FB page: Patikim Nga o mag-email sa marou70@gmail.com

Leave A Reply

Your email address will not be published.