Abante Tonite Interactive

Pananagutan

By
0 96

Ang parusang habambuhay na pagkakakulong sa tatlong pulis Caloocan na pumatay kay Kian delos Santos ay magsilbi sanang paalala sa tanang kapulisan na ang pag-abuso sa kanilang kapangyarihan ay may kalakip na mabigat na kaparusahan.
Hindi makatao ang sinapit ni Kian delos Santos kaya naman isang mabuting balita na malaman na may napanagot na kahit papaano sa karumal-dumal na krimen na mismong mga pulis na dapat sana’y nagsisilbi at nagtatanggol sa taumbayan ang siyang may gawa.
Ngunit hangga’t pa­tuloy ang malawakan at sistematikong pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga ng walang due process ay hindi dapat tayo ma­panatag. Isa lamang si Kian sa libo-libong biktima ng extrajudicial killing na bunga ng digmaan kontra-droga.
Tandaan natin na ang mismong Pa­ngulo ang nanganyaya at nagpalakas sa loob ng mga pulis upang maghasik ng lagim sa pagpapatupad ng kanyang polisiya. Siya ang puno’t dulo ng umiiral na kultura ng karahasan sa bansang ito.
Sa madaling sabi, bagama’t napanagot ang tatlong pulis Caloocan na pumatay kay Kian, hindi pa rin napapanagot ang Pa­ngulo na siyang arkitekto ng kontra-mahirap na polisiyang ito. Ang bawat patak ng dugo na dala ng karahasan ng kanyang polisiya ay dapat niyang panagutan.
Dapat ring mapanagot ang lahat ng pulis na mapapatunayang may kinalaman sa mga extrajudicial killing. Mula sa mga heneral hanggang sa mga baguhan, ang lahat ng abusado ay marapat lamang na maparusahan at matanggal sa puwesto. Hindi lang ang tatlong pulis Caloocan ang nagkasala sa taumbayan.
Malinaw ang batas. May sala man o wala, mayaman man o mahirap, lahat ay dapat dumaan sa tamang proseso ng paglilitis. Hindi dapat pinapatay ang mga nadadakip na mga salarin, lalong-lalo na kung walang kalaban-laban ang mga ito. Ang prinsipyo ng hustisya ay ang walang kinikilingang pagpapasya at pagpapataw ng angkop na parusa sa mga nagkakasala.
Hindi mareresolba ang problema sa droga gamit lamang ang dahas. Ilang libo na ang namatay, ngunit hindi naman nalulutas ang pangunahing suliranin. Magising na sana ang administrasyong ito sa katotohanang kaya patuloy ang pagkalat ng droga ay dahil patuloy din ang kahirapan. Imbis na patayan, dagdag-kabuhayan sana ang ibigay nila sa taumbayan.