Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pananakit ng tiyan

0 111

Sari-saring mga dahilan ang nagbibigay ng sakit ng tiyan.

Isa dito, na nangangailangan maoperahan kaagad ay ang appendicitis. Ang nangyayari ay sumasakit ang sikmura na lumalakbay papunta sa gawing kanan at ibabang abdomen. Maaaring may kahalong pagkahilo, pagduduwal, at pagsusuka.

Ang nagtanong sa atin ngayon ay ina ng isang dalaga na kamakailan ay naoperahan dahil sa appendicitis. Aniya, “umayos na ang aking anak, ngunit una, bakit kung kailan dinala sa emergency room at hinihinala ng appendicitis ay mas hindi pinapakain at binibigyan ng maski anong gamot. At pangalawa, nung naoperahan na ay bakit ang sugat ay nasa gitna, hindi katulad ng iba na maliit at nasa gilid lamang.”

Bago natin sagutin yan alamin muna natin kung ano ba ang appendix. Nasaan ito at ano ba ang ginagawa nito? Ang appendix ay isang organo na nasa bituka. Makikita ito sa dugtungan ng dulo ng maliit na bituka o small intestines, ang tawag ay ileum at ng umpisa ng malaking bituka o large intestines, ang tawag naman ay cecum.

Isa itong organo para sa immune system, tumutulong sa katawan labanan ang sakit, lalo na sa mga bata. Sinasabi ng iba na hindi na kailangan sa pagtanda ito. Maraming dahilan na maaaring maging sanhi ng appendicitis. Kabilang dito ang anumang babara sa bituka na maaaring maapektuhan ang appendix, ang impeksyon ng bituka, pamamaga ng bituka tulad ng inflammatory bowel disease, mga tumutubo dito, aksidente, o kung minsan dumi ang babara dito na ang tawag ay fecaliths.

May apat na stages ang appendicitis. Ang una ay inflammatory, kung saan mamamaga ito. Ang pangalawa ay suppurative, kung saan may impeksiyon na ng bakterya, naiipon ang tubig ng pamamaga sa lumen at maiipit ang daanan ng dugo at lymphatics.

Related Posts

Dahil dito, ang susunod ay necrosis, dahil hindi na nabibigyan ng tamang sustansya at dugo ang appendix. Kung tutuloy ang paglala, maaaring pumutok at mag rupture. Dahil magkakaroon ng pagkakataon na lumabas ang laman ng bituka sa buong abdomen, mas magiging kumplikado ang operasyon at hahaba ang panahon ng paggaling.

Sa sagot sa mga tanong sa atin, kaya hindi muna binibigyan ng anumang gamot ay dahil baka mawala ang sakit at hindi mabantayan ang pagpapatuloy ng karamdaman kung saan ito ang isa sa mahalagang sintoma. Mas mahirap ay baka pumutok ng walang nararamdaman. Hindi rin pinapakain dahil sa anumang oras na mapagdesisyunan ay pwedeng agad nang maoperahan at hindi na magaantay pa ng panahon para matunaw ang kinain at magkakumplikasyon pa.

Sila’y kinakabitan naman ng suwero nang hindi manghina. Sa sugat ng operasyon naman, kung lalaki ang pasyente, kadalasan ay maliit na sugat sa gilid na tinatawag na Mc Burney’s incision. Ngunit kung babae, may posibilidad na maaaring manggaling ang problema sa mga reproductive organs tulad ng obaryo, fallopian tube at matres, o di kaya, para makita naman kung naapektuhan ang mga ito kaya ang hiwa ay sa gitna, sa ibaba ng pusod at hindi lamang appendectomy kundi exploratory laparotomy ang ginagawa.

Kung manakit ang tiyan ng napakatindi, ipatingin agad at huwag balewalain, baka may appendicitis na.

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe! Be vaccinated and boostered!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists.

Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 at channel 23, tuwing linggo 11am-12nn at Kapitbahay sa DZEC1062 tuwing sabado 715am) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.