Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pananampalataya o kaligtasan ?

0 112

Bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa bansa at isa itong magandang indikasyon na unti-unti ng nakakahulagpos ang sambayanan sa perwisyong dulot ng pandemya.

Malaking bagay ang pinalakas na vaccination rollout sa buong bansa at marami na ang nabakunahang mamamayan kaya hindi maikakailang mayroon na silang proteksiyon at panlaban sa mabagsik na virus.

Pero sa kabila ng pagtangkilik ng publiko sa COVID vaccine, nakakalungkot na mayroon pa ring tumatangging magpabakuna at tila sarado ang isip sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19 sa bansa.

Hindi nagsasawa ang gobyerno sa pagpapaalala at pakiusap sa publiko na magpabakuna para magkaroon ng proteksiyon laban sa COVID-19 at makapagbukas muli ng ekonomiya at kabuhayan.

Kabilang sa mga tumatangging magpabakuna sa hindi malamang dahılan ay mga manggagawa na nakakahalubilo ng mga tao kaya naman naglabas ng resolusyon ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa pribadong sektor na kung ayaw magpabakuna ng kanilang empleyado ay kailangang magpakita ng negatibong RT-PCR test kada dalawang linggo at sagot na ng manggagawa ang pagpapasuri.

Libre ang bakuna at ito ay binili ng gobyerno para sa lahat ng mga Pilipino pero nakapagtatakang ayaw pa rin ng iba na tanggapin ito kahit nakikita na ang benepisyo sa kanilang kalusugan at kaligtasan laban sa COVID-19.

Isinasangkalan ng ibang ayaw magpabakuna ang kanilang relihiyon na bawal umano sa kanila, pero sa mga panahong ito ng pandemya kailangang pag-isipan at timbangin kung alin ang mahalaga: Ang pananampalataya o kaligtasan at kalusugan?

SM food to go Banner Ad

Hindi ba’t kapag nanalangin, isa sa mga ipinagdarasal ay ang kaligtasan? Nasaan ang lohika ng mga ayaw sa bakuna?

Nakakataas din ng kilay ang hirit ng Ilang manggagawa na ayaw gumastos sa RT-PCR test at hinihiling na sagutin ng gobyerno ang kanilang pagpapasuri kada dalawang linggo.

Mahigit tatlong libong piso ang halaga ng RT-PCR test at talagang mabigat ito sa bulsa lalo na kung ordinaryong manggagawa lamang. Hindi biro ang mahigit anim na libong pisong mawawala są isang buwang kita.

Sa gastos pa lamang sa RT-PCR test, hindi ba naiisip ng manggagawang ayaw magpabakuna kung magkano ang mawawala sa kanya gayong para naman sa kaligtasan at kalusugan niya ang libreng bakuna?

Ikaw kaibigan, saan mo gusto: libreng bakuna o gagastos ng mahigit tatlong libong piso kada dalawang linggo dahil sa pagtangging tumanggap ng proteksiyon laban sa mabagsik na virus?

Huwag mo ng dagdagan pa ang pasanin ng gobyerno dahil sa iyong paniniwala at desisyon. Isipin mo na lang ang pamilya mo, mga kaibigan at ibang tao na mahahawa kapag minalas na madaanan ka ng COVID-19. Baka magsisi ka sa huli, kung sakaling buhay ka pa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.