Abante Tonite Interactive

Panandalian at hindi pangmatagalan

0 291

Mabigat ang parusa sa ilalim ng ordinansa. Para sa mga magulang ng mga batang mahuhuli na ang edad ay hindi lalagpas ng dose anyos, 5k ang multa at hanggang anim na buwang pagkakabilanggo. ‘Pag trese hanggang katorse, 3k ang multa at tatlong buwang kulong, 15-anyos hanggang 17-anyos, 2k ang multa at hanggang isang buwang kulong. Kaya mga magulang, kayo na magkulong sa inyong mga anak kung ayaw ninyong makulong.

Maganda ang hangarin ng ordinansa ng Maynila. Linisin ang mga batang lansangan at panatiliin sila sa bahay kung saan sila dapat mamalagi. Iwas barkada, iwas gulo, at iwas bisyo.

Pero sa aking munting pananaw, hindi ito magiging epektibo. Bakit kanyo? Dahil kulang po ito. Ang paglilinis sa lansangan ng mga bata ay hindi natatapos sa mga parusa. Dapat meron ka ring remedial measures. Dapat “two pronged approach” ang atake sa problemang ito. Kailangan ng dalawang paraan para makamit natin ang ating pakay: ang gabayan ang mga magulang, pagbutihin at tiyakin na magiging maayos ang kinabukasan ng mga anak.

Bigyan ko kayo ng halimbawa. Noong 1991, ang US Department of Justice ay naglunsad ng OPERATION WEED AND SEED, isang multi-agency approach sa pagpapatupad ng batas, crime prevention at pagpapanatili ng isang tahimik na kapaligiran. Naging dalawa ang atake nila sa ilalim ng programa.

Una, ang mga law enforcement agency at mga tagalitis ay nagsanib para hulihin ang mga kriminal sa isang lugar.

Ikalawa, naglapat sila ng mga programa para makaiwas ang mga residente, lalo na ang kabataan, sa droga, treatment at pagbukas ng pintuan ng gobyerno sa mamamayan.

Kakaiba ang weed and seed program kumpara sa mga tradisyunal na crime prevention approaches. Hinuhuli nito ang mga kriminal, at the same time hinihikayat ng programa na ang mga mamamayan ng isang lugar ay inspiradong makipagtulungan sa gobyerno dahil sa mga programang ibinibigay nito.

Kung huhulihin mo ang mga bata, at pagmumultahin mo ang mga magulang, panandalian lamang ‘yan na solusyon sa problemang ito. Kung iisipin mo ang pangmatagalang solusyon, dapat merong mga programa ang pamahalaan para sa mga batang mahuhuli at mga magulang na pagmumultahin at parurusahan. Ano ba ang mga remedial program na pwedeng gawin sa mga batang mahuhuli? Sports program, education program etc. Ano ang programa naman na puwedeng ibigay sa mga magulang? Puwede silang isailalim sa livelihood training, family planning etc.

Kung hindi ho ganito ang gagawin sa kampanya ng Maynila, mauuwi lang po ito sa war on drugs ng administrasyong Duterte. Sumentro lamang sa parusa at hindi nabigyan ng importansiya ang rehabilitation. Pupunuin lamang natin ang mga bilangguan ng mga taong ang tanging kakulangan ay edukasyon at kamulatan. Pagmumultahin natin sila at ikukulong. Eh wala na ngang perang pambili ng pagkain, pang multa pa kaya. Ikukulong mo ang mga taong isang kahig isang tuka. Mga mahihirap ang tatamaan ng ordinansang ito.

Ang ordinansa ng Maynila ay marapat na lapatan ng rebisyon. Panandaliang solusyon lamang ito. Ang kailangan natin ay solusyong lubos at pangmatagalan na makapagbabago sa mga bata’t magulang.