Abante Tonite Interactive

Panatag Shoal binaboy ng China — Palasyo

533

Itinuturing ng Malacañang na insulto sa soberanya ng Pilipinas ang pangunguha ng mga taklobo o giant clam ng mga barko ng China sa Panatag Shoal o kilala rin bilang Scarborough Shoal.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod ng report na tinaboy ng mga Chinese vessel ang mga mangingisdang Pilipino sa lugar saka nanguha ng taklobo ang mga Chinese.

Sinabi ni Panelo na bahagi ng Exclusive Econo­mic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang Panatag Shoal na inaangkin din ng China.

“Because if it’s our territory, therefore it is an affront to our territory and to our sovereignty. As far as we are concerned, that is ours so we will be objecting to any intrusion into our own territory,” ani Panelo.

Sinabi ng kalihim na nakikiisa siya sa sentimyento ni Foreign Affairs Secretary Teodoro ‘Teddy Boy’ Locsin Jr. na magsampa ng diplomatic protest at maghain ng ligal na aksyon laban sa China dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin inaaksiyunan ng China ang mga inihaing reklamo ng pamahalaan ng Pilipinas.

Ipinahayag ni Locsin na pinag-aaralan ng Department of Foreign Affairs kung ano ang magiging legal na aksyon nito laban sa China dahil sa gina­wang pagbalahura sa Panatag Shoal.

Petisyon sa proteksyon
ng WPS inihain sa SC
Samantala, naghain kahapon ng petisyon ang isang grupo ng mga mangingisda at magsasaka sa Palawan para magpalabas ng Writ of Kalikasan ang Supreme Court (SC) at ng Writ of Continuing Mandamus para maproteksyunan ang West Philippine Sea (WPS).

Isinampa ang petisyon sa pamamagitan ng Integ­rated Bar of the Philippines kung saan iginiit nito na obligahin ng SC ang gobyerno na ipatupad ang environmental at maritime laws sa WPS para mapigilan ang mga Chinese ship na sirain ang mga coral reef at mga endangered species sa Panatag Shoal, Ayungin Shoal at Panganiban Reef.

Kabilang sa mga respondent sina Environment Secretary Roy Cimatu, Agriculture Secretary Manny Piñol, Fisheries Director Eduardo Gongona, Navy Flag Officer Vice Admiral Robert Empedrad, Coast Guard Admiral Elson Hermogino, Police General Oscar Albayalde, Police Maritime Group Director Chief Supt. Rodelio Jocson, at Justice Secretary Menardo Guevarra. (Aileen Taliping/Armida Rico/Juliet de Loza-Cudia)