Abante Tonite Interactive

Panawagan ni Hontiveros dinedma ng Palasyo

524

Hindi kailangan ng Malacañang ang payo ni senador Risa Hontiveros na pauwiin sa bansa ang ambassador at lahat ng consul na itinalaga ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa China.

Kasunod ito ng insidente sa salpukan ng bangka ng mga mangingisdang Pilipino at bangka ng mga Chinese na nagpalubog sa sasakyan ng mga Pinoy at pinabayaan pa ang mga ito sa halip na tulungan noong Hunyo 9 sa Recto Bank sa Palawan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Pa-nelo, lahat ng options ay ikinukunsidera ng gobyerno at ipinauubaya na ng Palasyo kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang mga dapat na ga-wing aksyon sa insidente.
“Lahat ng options kinukunsider, we don’t need the good advice of the good senator on that. Bahala na si Secretary Locsin,” ani Panelo.

Kaugnay naman sa posibilidad na maapektuhan ang relasyon ng Pilipinas at China dahil sa insidente, sinabi ni Panelo na hindi maiwasang maapektuhan lalo na kung may naagrabiyado.

Sinabi ng kalihim na hintayin na lamang kung magkakaroon ng pag-uusap sa pagitan nina Pangulong Duterte at Chinese President Xi Jinping kaugnay sa naganap na insidente.

“Siyempre it will always affect the relationship if certain incidence of that nature comes up. That’s the call of the President, let’s wait for him,” dagdag pa ni Panelo. (AIleen Taliping)