Abante Tonite Interactive

Panawagan sa DAR, LRA, DENR

0 96

Dapat aksyunan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno itong isyu ng agawan ng lupa sa Montalban na ngayo’y Rodriguez, Rizal para magkaalaman na kung sino talaga ang ligal at kung sino ang mang-aagaw.

Matinding pangha-harass daw ang ginagawa ng isang may inisyal na MG at ng kanyang mga galamay sa caretaker at tunay na may-ari ng isang lupain sa Montalban. Pinapalayas daw ng grupo ni MG ang caretaker ng inaangking lupain gamit ang ilang pekeng Certificate of Land Ownership Awards.

Si MG ay isang balikbayan pero malakas daw ito sa ilang mga opisyal ng gobyerno, hindi lamang sa lokal kundi maging nasyunal.

Diumano pa, may mga kasapakat itong si MG sa Provincial Agrarian Reform Office at Municipal Agrarian Reform Office hanggang sa mga opisyal ng mga barangay ng Macabud at San Isidro.

At sa gitna ng agawang nangyayari, dedma lang daw ang Department of Agrarian Reform (DAR), Land Registration Authority (LRA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Land Management Bureau (LMB) at Registry of Deeds (RD).

Kung totoong nagsasawalang-kibo ang mga nabanggit na ahensya ng gobyerno na siyang dapat umaayos sa usapin, gusto nating malaman kung bakit. Anong puwersa meron itong si MG? Sino ang kanyang tunay na ma­laking backer? Bakit kahit mga peke ang mga papeles na hawak niya ay matigas ang kanyang posisyon na angkinin ang lupa?

Kung sinuman ang tunay at lehitimong may karapatan sa lupain, dapat itong tukuyin ng mga nabanggit na ahensya ng gobyerno, once and for all. Ipakita nilang ginagawa nila ang kani-kanilang trabaho at ‘wag hayaang manaig ang mga mang-aagaw. Dahil habang hindi sila kumikilos, iisipin nga nating meron silang pinoprotektahan at kung sino, kung bakit, kung paano, ‘yan ang ating tututukan!