Abante Tonite Interactive

Panawagan sa mga opisyal ng barangay

247

Nitong nakaraang linggo ay naging abala ang inyong lingkod sa pamamahagi ng financial assistance para sa lahat ng barangay official sa Lungsod ng Maynila. Ang nasabing assistance ay mula sa Office of the President.

Sa aking pagharap sa mga nasabing opisyal, iisa lang ang aking sinasabi at ‘yan ay ang walang sawa kong pana­nawagan para sa pagkakaisa tungo sa malinis, maayos at maaliwalas na Maynila.

Sa Maynila, 896 ang kabuuang bilang ng barangay. Sa bawat barangay, ang bilang ng mga opisyal na bumubuo nito ay umaabot sa siyam o mahigit pa. Ibig sabihin, pumapalo ng humigit-kumulang sa 10,000 ang kabuuang bilang ng mga opisyal ng barangay sa aming lungsod.

Isipin na lamang natin kung itong 10,000 opis­yal na ito ng Maynila ay pawang makikiisa at makikipagtulungan sa pamahalaang lungsod? Lalo na kung bawat isa sa kanila ay pagtitiyagaan din na ipakalat ang ating panawagan sa mga residente na kanilang nasasakupan?

Naniniwala kasi ang inyong lingkod na balewala ang paglilingkod nang tapat at kahit ano pang sigasig ng gobyerno kapag ang mga tao mismo ay hindi naman nakikiisa o nakikipagtulungan.

Importante na tulu­ngan nating lahat ang pamahalaang lungsod hindi na para sa atin kundi para sa mga susunod na henerasyon. Hindi man natin maramdaman kaagad-agad ang epekto, hayaan nating tamasin ito ng ating mga anak.

Walang masamang magpakumbaba at kausapin ang mga tolong­ges, ‘mema’, walang pakialam at makukulit na nagkakalat sa paligid.

Makisuyo tayo na baka pupuwede namang ilagay sa tamang sisidlan ang kanilang kalat o basura at kukunin naman ito ng pamahalaan kalaunan. Ang importante, sinubukan mo, nag-exert ka ng effort.

Masuwerte tayong mga nasa serbisyo publiko, gaya ng mga opis­yal ng barangay, dahil nabigyan tayo ng Pa­nginoon ng pagkakataon na makapagsilbi sa ating kapwa, lalo na sa mismong mga komunidad na ating kinabibilangan.

Sabi nga, ‘many are called, but few are chosen’. Kaya naman sana ay sama-sama nating ilunsad ang mga positibong reporma o pagbabago para sa susunod na salinlahi, para sa mga mahal nating kabataan, upang maranasan nila ang isang mas maayos na lungsod sa hinaharap.

Maaari rin nating umpisahan ang lahat sa mga simpleng pagbabago. Hindi lahat ng nakagawian ay tama.

Magsimula tayo sa isa pang simple. Gawin nating malinis, maaliwalas at panatag ang Maynila. Tatamaan tayo ng konting sakripisyo, may babaguhin sa da­ting ginagawa. Hindi porke ang isang gawain ay nakagisnan na, eh tama na. Walang masamang sumubok ng kakaibang bagay.

Nananawagan din ako sa mga barangay na kung maaari ay maglaan ng isang araw para sa paglilinis lamang ng paligid, dahil baka sakali na sa pamamagitan nito ay mahiya naman ang mga kapitbahay na pa­tuloy na nagdudumi sa kalsada.

Pagkatapos ng laway-laway o pakikiusap, pawis-pawis naman. Gawin nating regular ang paglilinis sa barangay at baka mahiya ang kapitbahay dahil nakitang naglilinis si chairman, si secretary, si tanod. Iba kung ang magsisilbing ehemplo ay mismong mga lider ng barangay.
***
Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbi­sita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.