Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pancit Cabagan sa Quezon City

0 439

Matagal na akong inaaya ng ilang kaibigan na subukan ang isang Ilocano restaurant sa kanto ng Regalado at Burbank sa Fairview, Quezon City dahil authentic daw ang Pancit Cabagan dito. Ang pancit Cabagan ay parang pansit batil patung na natikman ko naman sa Vigan, Ilocos Sur.

Kung hindi pa nagka-pandemya, hindi ko mapupuntahan ang naturang restaurant. Sa labas ay parang ordinaryong kainan lang ito. Walang dating ang itsura sa labas. Pero pagpasok mo, mamamangha ka sa mga lumang kagamitang Pilipino.

Ang mga lamesa at upuan ay gawa sa mga makakapal na punong kahoy, mayroong lumang tv, bisikleta at piano at mayroong bar na ang mga upuan ay yari sa mga lumang gamit ng kotse. Mayroon ding malaking dancing area at stage. Ayon sa mga waiters, ginagamit daw na aerobics at zumba area ito tuwing hapon. Mayroon ding isang maliit na kuwarto kung saan puwedeng mag-karaoke.

Non-aircon ang kanilang main restaurant pero hindi maalinsangan.

Kulang lang sa pag-aayos sa loob dahil may ilang bahagi na tila tapunan ng mga lumang bagay. Pero siyempre, ang huhusgahan naman natin dito ay ang kanilang pagkain.

Ang una kong inorder ay ang special pancit Cabagan. Sariling gawa nila ang miki at may dagdag na bagnet sa ibabaw. Masarap, pero parang nakulangan ako sa sauce. At mas malasa siya kung mayroong bagnet.

Umorder din ako ng kanilang sisig. Medyo mataba at hindi crunchy.

Ang bagnet ay malutong ang balat, pero dahil mas gusto kong malutong ang taba, pinrito ko ulit pagdating ng bahay. Kakaunti nga lang, siguro ay mga pitong maliliit na pakuwadradong hiwa lang ito, sa halagang ₱180.

Mayroon din silang tapang kalabaw at adobo at kinilaw na kambing.

Ang binabalik-balikan ko roon ay ang tsokolate batirol na kalasa ng naiinom ko sa Camp John Hay sa Baguio City. May nutty taste din ang kanilang tsokolate batirol. Binigyan pa nila ako ng libreng donut na sarili nilang gawa, para isawsaw sa tsokolate. Crunchy at matamis ang donut.

Bukod sa Ilocano dishes, mayroon din silang Middle East specialties. Nagsisimula silang mag-ihaw ng alas 4 ng hapon at natatapos ng alas 11 ng gabi. Grilled lamb (laham), grilled chicken (faham), beef kebab at chicken kebab ang kanilang specialties na may kasamang Yasser’s Khabsa rice at tomato o garlic sauce. Sinubukan namin ang beef kebab at chicken kebab. Marami ang serving ng kanin at ok naman ang laki ng kebab. Masarap din.

Mayroon ding ibinebentang hilaw tulad ng Isabela at Vigan longganisa. Gayundin ang mga lokal na chichirya tulad ng chicharong baboy, ampaw, yema at iba pa.

Ang pinakagusto ko rin sa restaurant na ito, ok lang kahit kasama ko ang aking aso. Mayroon kasi silang open area na may garden kung saan puwede kang kumain.

Mayroon ba kayong nais na ibahaging menu sa inyong restaurant o special dish na kayo ang lumikha? Patikim Nga! Pumunta lang sa ating FB page at magmensahe: Patikim Nga.

Leave A Reply

Your email address will not be published.