Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pandarambong sa panahon ng pandemya

0 102

Sa halos buong panahong nasa katungkulan si Pangulong Rodrigo Duterte, epektibong ginamit ng gobyerno ang iba’t ibang pamamaraan upang mapagtakpan ang iba’t ibang anyo ng pangungulimbat , lalo na ang mga kasong direktang maiuugnay sa Pangulo o sa mga pinakamalapit sa kanya.

Kabilang sa mga paborito niyang teknik ang pagsibak at pagsampa ng kaso ng katiwalian sa mga maliliit na isda (tulad ng mga punong barangay at empleyadong rank and file); paglipat o pagpabalasa sa puwesto ng mga opisyal na umiinit sa mata ng publiko (tulad ng ginawa kay Nicanor Faeldon, na inalis ni Duterte sa Bureau of Customs matapos makalusot dito ang shabu na nagkakahalagang P6.4 bilyon at nilipat sa Bureau of Corrections, ngunit nasangkot naman sa iskandalo ng naunsiyaming pagpapalaya kay Mayor Antonio Sanchez); tahasang pagbabanta at pananakot sa mga nag-iimbestiga sa anomalyang nakaugnay sa kanya (tampok na halimbawa ang pagsibak kay Deputy Ombudsman Melchor Carandang, na naglantad ng bilyon-pisong transaksyon sa mga bank account ng pamilyang Duterte); at tangkang pagapakulong sa mga kritiko (tulad ng ginawa kay dating Sen. Trillanes).

Dahil dito, inakala marahil nang marami, sa pangunguna ni Duterte na maitatawid niya ang kanyang sarili hanggang sa katapusan ng kanyang termino nang hindi siya direktang nasasangkot sa anumang malaking iskandalo ng korapsyon. Sa kabutihang palad, nagsalubong ang iba’t ibang pangyayari (kabilang ang pagputok ng pandemya at paglikha nito ng mga pagkakataong kumita; pananatiling tapat ng Commission on Audit sa mandato nito bilang tagabantay sa kaban ng bayan; at pagsapit ng yugtong “lame duck” ng panunungkulan ni Duterte, na nagbigay ng lakas ng loob sa mga politiko na lumantad at masalita laban sa Pangulo) na nagresulta sa pagsambulat ng iskandalosong overpicing sa pagbili ng Personal Protective Equipment (PPE) at iba pang pangangailangan upang labanan ang COVID-19.

Nilantad sa COA audit report na, sa unang pagputok ng pandemya noong nakaraang taon, nagpasa ang Department of Health ng pondo sa Department of Budget and Management Procurement Service na ipinabili ng COVID-19 supplies sa napakataas na halaga (hal., facemask sa halagang P27.72 at face shield sa halagang P120). Lumitaw din na pinaboran ang isang supplier na walang track record at may munting kapital lamang (P625,000) ngunit kumopong ng mga kontratang nagkakahalagang P8.7 bilyon.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nasa gitna ng kontrobersyang ito ang dating puno ng DBM-PS, si dating Usec. Lloyd Cristopher Lao, na naging alalay ni Sen. Bong Go sa Malacanang noong Special Assistant to the President pa siya. Nalantad na rin sa imbestigasyon ng Senado at ilang peryodista na ang kontraktor na pinaboran ni Lao, ang Pharmally Pharmaceutical Corporation, ay direktang nakaugnay kay Michael Yang, ang kontrobersyal na Chinese businessman na tinalagang “Economic Adviser to the President” ni Duterte mismo.

Lumilinaw na ngayon ang modus ng pangungulimbat ng mga nasa gobyerno: tinalaga ang kanyang mga alagad (“Davao boys”) sa mga susing puwesto upang igawad ang mga dambuhalang kontrata na maaaring pagkitaan sa iba’t ibang paraan, tulad ng overpricing. Sa gitna ng walang kapantay na paghihirap ng mamamayan dala ng pandemya at palpak na tugon ng administrasyon, sa kabila ng pambihirang sakripisyo ng mga frontline health workers, at habang lumolobo ang bilang ng nagkakasakit at namamatay, sinamantala ni Duterte at ng kanyang mga alipores ang pandemya upang dambungin ang pondo ng bayan.

Sa mga nagtatanong at nagdududa, may silbi pala ang face shield sa kasalukuyang panahon – hindi bilang mabisang panangga kontra COVID (sapagkat hindi), kundi bilang simbolo ng pangungurakot na maaaring magpabagsak kay Duterte at sa kanyang mga kampon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.