Abante Tonite Interactive

Panday Sining huwag tularan

328

Umani ng suporta sa publiko at sa mga netizen ang naging desisyon ng pamahalaang lungsod ng Maynila na ideklarang persona non grata ang grupong Panday Sining.

Ito ang grupong nahuli ng mga awtoridad na nagpipintura sa mga pader sa Maynila ng mga isyung kanilang ipinaglalaban sa gobyerno.

Sa ordinaryong mata ni Juan dela Cruz, ang mga malalaking let­rang nakasulat sa mga pader sa Lungsod ng Maynila ay ‘eyesore’ at nagpapapangit sa kapaligiran.

Marami ang hindi natutuwa sa ginagawa ng grupong ito dahil malinaw na pamemerwisyo ang ginagawa nila sa lungsod.

Sinisikap ng Manila City government na linisin at ayusin ang lungsod para maibalik ang dating ganda nito, subalit sumasalisi naman ang grupo para papangitin at dumihan ang mga lugar.

Kailan pa naging likha ng sining ang mga malalaking letrang pangit pa ang pagkakasulat sa pader? Nagtanong ba sila sa mga ordinaryong mamamayan kung gusto ng mga ito ang kanilang ginagawa?

Hindi na sila nahiya sa mga estudyante ng Maynila na naglinis at nagpintura sa mga dinumihan nilang mga pader at muling inulit pa ang kanilang ginawa!
Matutuwa kaya ang Panday Sining kung mga bahay ng mga miyembro nito ang pinturahan naman ng mga mamamayang nainis sa kanilang ginagawa?

Marahil oo, dahil sanay na silang nakakakita ng mga pangit at masakit sa matang tanawin, pero paano kung matindi ang inis ng taumbayan at putaktihin ng pintura ang kanilang mga bahay?

Tila mahirap intindihin ng grupo ang pakiusap ng gobyerno, partikular ng Manila Tourism and Cultural Affairs Bureau na bigyang pagpapahalaga ang mga ginagawa ng mga kawani ng Manila City Hall para magkaroon ng kaayusan at mapaganda ang lungsod.

Ang nakakapagpainit sa ulo ng publiko ay ang pangangatwiran ng grupo na ito ay isang uri ng ‘art’ o sining kaya gagawin nila ito muli sa ibang pagkakataon.

Kung ganito na ang pamantayan ng si­ning, nakakahiya naman sa mga ninuno nating magagaling at nakilala sa kanilang mga magagandang obra maestra.

Kahit sino ay maaa­ring gumuhit at magpinta pero hindi sa paraang nakakaperwisyo at labag sa batas dahil malinaw na ang ginagawa ng grupong ito ay nananadya para mapansin at para na rin siguro mapag-usapan dahil aminin man o hindi, wala namang naiaambag ang mga ito na mabuti sa lipunan.