Abante Tonite Interactive

Panelo kay US Sen. Patrick Leahy: Harapin ang problema ng bansa mo kaysa makialam sa Plipinas!

250

Umiinit ang sagutan nina Presidential Spokesman ­Salvador Panelo at United States ­Senator Patrick Leahy makaraang pagsabihan ito ng tagapagsalita ng Malacanang na harapin na lamang ang problema ng kanyang bansa sa halip na makialam sa panloob na isyu ng Pilipinas.

Ito ay matapos mag-react si Leahy sa pahayag ni Panelo na ignorante ito sa mga impormasyon na naging dahilan nang pagkadetini ni Senadora Leila de Lima.

Ayon kay Panelo, sa halip na igiit ang posisyon, mas makabubuting ituon na lamang ng US senator ang kanyang panahon sa mga problema ng kanyang bansa.

“Mr. Leahy cannot be more popish than the Pope. It may be best for him to address the issues his country is facing rather than looking for other concerns which belong to a separate and independent state,” ani Panelo.

Hindi aniya maintindihan ni Leahy ang ipinag-iingay nito ­dahil nakabase lamang ang kanyang paniniwala sa mga bogus na kuwento ng mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nilinaw ni Panelo na hindi niya sinabing may malakas na ebidensiya ang gobyerno laban sa mga kasong kinakaharap ni De Lima sa korte.

Ayon sa kalihim, ang sinabi nito ay may nakitang matibay na dahilan ang prosekusyon at judge para isulong ang mga kaso laban sa senadora.

Malinaw aniya na ignorante si Leahy at pinanindigan ang kulang kulang na kaalaman sa mga nangyayari sa Pilipinas.

“For the sound legal education of Senator Leahy, this repre­sentation did not say that the government, or the Administration for that matter, has strong evidence. That is for the court to decide. What I stated in my earlier statement was that the investigating prosecutor and the judge have found ­probable cause to pursue charges and ­issue the warrant of arrest, ­respectively, against the lady senator. This Senator Leahy’s retort only vali­dates his sheer ignorance on our country’s substantive and procedural rules,” dagdag pa ni ­Panelo.

Nauna rito iminungkahi ni Leahy sa US Congress na huwag payagang makapasok sa Amerika ang mga opisyal ng Pilipinas na may kinalaman sa pagpapakulong kay De Lima, na inalmahan ng ilang mambabatas. (Aileen Taliping)