Abante Tonite Interactive

Pang-aapi sa mga frontliner itigil – DOH

1,036

Kinondena ng Department of Health (DOH) ang pag-atake, harassment at diskriminasyon sa mga health care worker na siyang nangunguna sa pagsisikap ng pamahalaan na mapigilan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

“These acts cannot be tolerated,” ayon sa opisyal na pahayag ng DOH na inilabas Linggo ng gabi.

Ayon sa kagawaran, nakakatanggap sila ng mga report hinggil sa mga health care worker na nakararanas ng physical assault, kabilang dito ang insidente kung saan mayroong sinabuyan ng bleach at chlorine.

Bukod sa mga pisikal na pag-atake, sinabi ng DOH na mayroon ding report hinggil sa mga insidente kung saan ay hindi pinapayagang makasakay ang mga health care worker sa mga pampublikong sasakyan, sa mga laundry shop, hinaharang at pinagmumulta sa checkpoint, at pinalalayas sa tinutuluyan nilang bahay.

“We are mobilizing our own personnel in efforts to ascertain more details and hold perpetrators of these attacks liable and reporting this incidents to the Inter-Agency Task Force on COVID-19 for proper investigation and resolution,” ayon sa DOH.

Kasabay nito, umapela ang kagawaran sa publiko na unawain at maawa sa mga health care worker na sinasakripisyo ang kanilang kaligtasan para matugunan ang public health emergency na hatid ng COVID-19.

Sabi ng DOH, hindi sapat na pasalamatan lamang ang mga health care worker bagkus ay dapat na bigyan din ang mga ito ng proteksyon para sa kanilang kaligtasan.

HOSPITAL STAFF SINABUYAN NG DISINFECTANT

Ang pahayag ng DH ay kasunod lamang ng nangyari sa isang staff ng isang pribadong ospita sa Tacurong City, Sultan Kudarat na nakatikim ng pang-iinsulto mula sa limang kalalakihan at binuhusan pa ng mga ito ng disinfectant sa mukha at katawan noong Marso 27.

Naglabas ng pahayag hinggil sa insidente ang St. Louis Hospital (SLH) at kinondena ang pag-atake sa kanilang staff na nilapitan ng hindi pa nakikilalang mga suspek habang naglalakad at tinanong pa umano kung nagtatrabaho ito sa nasabing pagamutan,

Bago pa man nakasagot ang biktima ay bigla na lamang itong binuhusan ng bleaching liquid ng sa sa mga suspek bago nagtakbuhan ang mga ito.

Nabatid na nasa gilid ng highway ang biktima habang naghihintay ng masasakyan mula sa bayan ng Quirino patungo sa Tacurong para pumasok sa trabaho.

Ayon sa SLH, mabuti na lang naisugod ng biktima ang kanyang sarili sa ospital at nalapatan agad ito ng lunas.

Iniimbestigahan pa ng pulisya sa bayan ng Quirino ang insidente at pinaghahanap na rin ang mga suspek. (Juliet de Loza-Cudia)

Tonite – Wendys Inhouse Ad