Abante Tonite Interactive

Pang-unawa sa Gilas

325

Tapos na ang 18th FIBA (International Basketball ­Federation) World Cup 2019 na ginanap sa walong ­siyudad ng China mula August 31 hanggang September 15.

Lahat nakaabang sa Gilas Pilipinas kung makakasilat tayo sa limang laro para mapaganda ang ating world ranking. Pero nabigo nga tayo. Walang naipanalo kahit isang laban.

Marami namang dapat isaalang-alang para maintindihan ­natin ang sinapit ng ating ­national men’s cage squad.

Sa simula pa lang, naging kuwestiyonable na ang preparasyon ng PH 5.

Umatras na nga sa pagsali si Jason William Castro, nagka-injury pa ang kapwa niya shooter na sina Marcio Lassiter at Matthew Wright.

Wala pang 2 linggo ang naging paghahanda ng koponan dahil sa inantay pa matapos ang 44th Philippine Basketball Association Commissioner’s Cup 2019 Finals ng San Miguel Beer at TNT kung saan naglaro sina Lassiter, June Mar Fajardo, Jeth Troy Rosario at Roger Ray Pogoy.

Natapos ang midseason conference nitong Aug. 16, ilang araw na lang bago mag-open men’s quadrennial hoopfest.

Sunod-sunod na ang pag-aray ko nang mabunot ang Gilas ­kagrupo ang Italy, Serbia­, at ­Angola. ‘Ka ko, ­dadaan tayo sa butas ng ­karayom. Nabulong ko na may tsansa lang tayo sa 11-time ­Afrobasket champion Angola.

‘Di na ako nagtaka nang tambakan tayo ng Italians at ­Serbians, ngunit sa takbo ng laro kontra Angola, mukhang makakasungkit tayo ng panalo, at natalo tayo sa bandang huli sa overtime.

Saludo pa rin ako sa mga manlalaro natin kasi nakita ko naman na binigay todo ang kanilang kaya, laban sa mga malalaki at mala­lakas na katungali.

Si Coach Yeng naman ay nagbitiw sa kanyang pagko-coach sa Gilas.

‘Di madali mag-coach ng national team, maraming sakripisyo, lalo sa ating bansa kung saan napakara­ming eksperto, lalo na kung talo. Totoo naman na masama ang ­shooting ng koponan, isa sa pinakamababa sa World Cup, pero kulang talaga tayo sa preparasyon.