Abante Tonite Interactive

Pangako ni Año: ‘Ninja cops’ wawalisin ko

385

Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa publiko na kanyang at wawalisin ang mga ‘ninja cop’ na aktibo pa rin sa Philippine National Police (PNP)

Ipinahayag ito ni Año sa panayam ng media sa Camp Crame nitong Miyerkoles nang umaga bilang reaksyon sa lumabas na survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Disyembre 13-16, 2019, kung saan majority umano ng mga Pilipino o 78% ang nagsabing naniniwala sila na maraming ‘ninja cops’ ang hanggang sa ngayon ay namamayagpag pa sa hanay ng pulisya.

Binigyang-diin ng kalihim na kanyang sisiguruhing patatalsikin sa kanilang tungkulin, kakasuhan at ipakukulong ang sinomang mapatunayang ‘ninja cops’.

Sa kasalukyan aniya may listahan na sila ng mga pangalan ng mga ‘ninja cop’ at mahigpit nang mino-mo­nitor ang mga ito para sa kaukulang ebidensiya.

“Malinaw pa kasi sa isipan ng publiko dahil sa nakaraang imbes­tigasyon sa Senado kaya ‘yan ang na­ging resulta sa SWS survey. Pero 2013 pa ‘yun at halos anim na taon na ang nakaraan,” ani Año.

Samantala, sinabi ng kalihim na ipinauubaya na niya sa Department of Justice ang kaso ni dating PNP Director General Oscar Albayalde matapos lumabas sa naturang survey na 50% ang naniniwalang protektor ito ng mga ‘ninja cop’, 13% ang hindi naniniwala, at 37% ang hindi tiyak. (Dolly Cabreza/Edwin Balasa)