Abante Tonite Interactive

Pangako ni mayor

By
456

Pumapatak na naman ang ulan…

Bagama’t hindi pa opisyal na nagtatapos ang ‘summer’, sumisi­lip na ang panahon ng tag-ulan sa manaka-nakang pagbuhos ng ulan lalo na sa tanghali at hapon. Masaya sana dahil sa napapatid nito ang napakainit na klima na bumabalot sa bansa. Ngunit kapalit naman nito ang muling pagbabalik ng makapal at madulas na putik sa kahabaan ng kalsada sa loob ng village na aking tinitirhan.

Sa loob nang higit 10 taong paninirahan sa Sunriser Village sa Caloocan City, inabutan na ng aking pamilya ang pangit na kalsada at sira-sirang ‘drainage system’ na posibleng nagutay sa paglipas ng panahon ngunit hindi naaksiyunan ng mga nagdaang administrasyon ng lokal na pamahalaan sa lungsod. Hindi naman lubos na masisisi ang mga nagdaang alkalde dahil sa dating pribado ang subdibisyon na kamakailan lamang nabatid na na-‘turn-over’ na pala ang mga kalsada sa lokal na pamahalaan.

Lumipas ang panahon, ang dating pangit na kalsada na bitak-bitak na semento ay lalong lumala. Nawala na ang semento at napalitan ng lupa na nagiging putik tuwing tag-ulan. Ang malaking bahagi ng ‘drainage’, tuluyang gumiba na ang dulot ay baha kahit tag-init.

Bago ang 2016 national at local elections, idinulog ng homeow­ners association ng Sunriser ang problema kay Mayor Oscar Malapitan na tumatakbo noon sa kanyang ikalawang termino bilang alkalde. Positibo ang resulta ng pulong…
tutulong ang pamahalaang lungsod para makumpuni lahat ng sira sa village. Ngunit kailangang maghintay dahil sa may mga nauna nang proyekto na tinututukan ang pamahalaan. Hindi ito naging problema… kayang maghintay basta matuloy.

Habang naghihintay, gumawa ng pansamantalang solusyon ang mga residente sa problema. Gumawa ng kanal dahil sa bagsak ang drainage, tinabunan ng graba ang maputik na kalsada at inaspalto ang ilang bahagi na maaari pang maisalba.

Makalipas ang tatlong taon, nakakuha ng pag-asa ang mga residente ng Sunriser. Tuloy ang proyekto ng pagkumpuni sa mga kalsada at drainage ngayong buwan ng Hunyo. Nag-inspeksiyon na ang mga tauhan ng Engineering Office, Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) at iba pa. May pag-asa…sana matuloy na.

Sa kabila ng paghihintay, positibo ang mga taga-Sunriser na matutupad ang pangako ni Mayor Oca. Tulad ng pangako niya na tinupad sa pagpapatayo ng bagong City Hall Buil­ding kapalit nang higit 50 edad na gusali, ng dalawang bagong campus ng University of Caloocan City, ng bagong Caloocan Sports Complex, mga bagong parke, police station, fire station, ospital, at iba pa.

Naniniwala ang mga taga-Sunriser na hindi sila bibiguin ni Mayor Oca, tulad nang hindi pagbigo niya sa ibang residente ng lungsod. Sana matapos na ang paghihintay.