Abante Tonite Interactive

Pangakong 2,500 cell site bantay-sarado Honasan kabado sa Dito

362

Nababahala umano si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan sa kakayahan ng third telco Dito Telecommunity Corp. na makumpleto ang rollout program nito bago sumapit ang Hulyo 2020.

Pinangangambahang maaantala ang commercial operations ng Dito, dating Mislatel Consortium, dahil sa kumplikadong proseso ng pagkuha ng permit para sa pagtatayo ng mga cell tower.

Ayon kay Honasan, nag-aalala ang DICT sa kakayahan ng Dito na matupad ang pangako nito dahil limang buwan na lamang ay Hulyo na.

Ilang mambabatas ang nagpahayag na rin ng pagdududa sa kapasidad ng Dito na tuparin ang pangako nitong pagkakaroon ng 2,500 cell site pagsapit ng Hul­yo 2020.

Hiniling ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, miyembro ng Makabayan bloc, sa Kongreso na ipatawag ang mga opisyal ng DICT at Dito para imbestiga­han ang bagay na ito.

“Kailangang mag-report ‘yung Dito telco sa Congress kung saan na ba (‘yung cellsite niya)? Pero I don’t think so na magagawa na nila ‘yung 2,500 na mga cell site. Ito dapat maimbestigahan ito ng Congress. Iyong talagang seryoso ba ito, may kakayahan ba ito?” anang party-list lawmaker.

Subalit agad na pinawi ng third telco player ang pangamba na maaantala ang kanilang network rollout, at tiniyak sa publiko na may kakayahan silang tuparin ang kanilang mga pangako bilang bagong major telecommunications player.

“There is no truth to reports that the much anticipated roll-out of Dito Telecommunity will be delayed due to issues regarding permits,” pahayag ng Chelsea Logistics and Infrastructure Holdings Corp., isa sa mga kompanya na bahagi ng Dito.

Ang 2,500 cell site ay magbibigay-serbisyo sa 37 percent ng populas­yon ng bansa at magkakaloob ng internet speed na hindi bababa sa 27 mbps per second.