Abante Tonite Interactive

Pangakong ‘di dapat mapako

126

Pag-iipon ng pera, pagpapapayat, paglilibot sa ibang bansa at pagsubok sa ibang bagay o aktibidad.

Ilan lang ‘yan sa mga bagay na gusto nilang ma-achieve o mabago sa pagpapalit ng taon na kung tawagi’y New Year’s resolution.

May iba namang nangangako na ititigil na ang bisyo gaya ng yosi at alak.

Ang ilang subsob sa trabaho, mas mara­ming oras sa pamilya at mga kaibigan ang gusto ngayong 2020.

Ang nakalulungkot, ang mga pangakong ‘yan — madalas napapako lang!

Sa isang pag-aaral na nailathala sa Journal of Clinical Psychology sa Amerika, 46% lang o wala pa sa kalahati ng mga taong nag­lilista ng kanilang New Year’s resolution ang nagtatagumpay.

Siyempre ayaw nating mapabilang sa mahigit 50% na hindi natutupad ang kanilang mga New Year’s resolution.

Para sa sociologist na si Bro. Clifford Sorita, “We end up just having a list. Ika nga nila, puro lang tayo ‘drawing’. So the secret lies in a simple process. CHUNK IT UP. Remember the journey of a thousand miles begins with that little step.”

Narito ang ilang tips para maging successful tayo sa ating New Year’s resolutions.

Una, kailangan maging mentally prepared. Handa kang baguhin ang mali sa iyong sarili. Hindi galing sa dikta ng ibang tao.

Importanteng mag-set ka ng goal para alam mo kung achievable o hindi ang iyong New Year’s resolutions. Huwag maging OA sa mga gustong mangyari. Alam kong gusto na­ting malibot ang buong mundo. Pero kaka­yanin mo ba ito sa loob ng isang taon? Ma­ging realistic.

Ika nga sa paggawa ng mga plano, be SMART: specific, measurable, attainable, relevant at time-sensitive.

Mainam din kung i-share mo ang iyong New Year’s resolutions sa mga kaanak at kaibigan. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng support system. May magpapaalala at aalalay sa’yo para matupad mo ang mga ipinangako sa sarili.

One step at a time. Hindi naman masamang maging ambitious basta tiyakin lang na achievable ang nasa listahan mo.

Ang yosi at alak, kung maaari, iwasan na hindi dahil nasa listahan kundi dahil masama sa kalusugan.

Hindi rin dapat mawala sa listahan ang pagtulong sa kapwa.

Ang sa akin lang, mahalaga pa ring may inililista tayong mga bagay na gusto nating maabot o mabago sa pagpapalit ng taon. Ang hamon na lang sa ati’y kung matutupad ba ito o forever na lang sa listahan. Tandaan, promi­ses are not meant to be broken!