Abante Tonite Interactive

‘Panggagantso’ nina Alan, Lani hatulan na

426

Niloloko diumano nina dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Taguig City Mayor Lani Cayetano ang mga tao sa pagtakbo ng mga ito sa magkahiwalay na congressional district ng nasabing lungsod.

Ito ang iginiit ni Leonides Buac Jr. sa kanyang petisyon sa Commission on Elections (Comelec) para kanselahin ang certificates of candidacy (COC) ng mag-asawang Cayetano.

Kinuwestiyon ni Buac, sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Emil Marañon III, ang magkaibang address na nakasaad sa COCs na inihain ng mag-asawang Cayetano sa kabila ng pagiging mag-asawa ng mga ito.

Batay anya sa COC ni Alan, nakatira ito sa Brgy. Bagumbayan sa 1st District habang residente naman si Lani ng Brgy. Fort Bonifacio sa 2nd District.

Sa pagdinig ng Comelec kahapon, iginiit ni Buac na hindi puwedeng mag-claim ang mag-asawang Cayetano na magkahiwalay ang kanilang tirahan, batay sa nakasaad sa kanilang certificates of candidacy, dahil taliwas ito sa isinasaad ng Article 69 ng Family Code.

Umaasa ang mag kabilang kampo na hahatulan na ng Comelec ang naturang petisyon lalo pa’t malapit na ang halalan.