Abante Tonite Interactive

Panginoon, huwag naman po

By
0 229

Ang kalikasan ay may sariling pamamaraan para paalalaha­nan ang sangkatauhan na magnilay at mag-isip para sa kapakanan ng lahat.

Tulad ng bagyo, isa itong ‘weather phenomena’ na may dalang pinsala hindi lamang sa buhay ng mga tao, kundi ganon na rin sa mga ari-arian at kapaligiran.

Ang Pilipinas ay hindi nauubusan ng bagyo. Bagyong dulot ng ‘naturalesa’ at bagyong na dulot ng politika, na lubhang mapaminsala. Ang bagyo ng politika sa bansa ay 24/7. Almusal, Tanghalian at hapunan ito ng mga nasa munisipyo, kapitolyo, Kongreso at Palasyo. Mapanganib at salot ang bagyong ito, sa kabuhayan at pamilya ng mga Pilipino.

Ngayong kalikasan na ang umarangkada, manahimik na muna ang mga mahilig pumapel at mara­ming ideya, tulad ng mga politikong may ‘agenda’ dahil eleksiyon na.

***

Ngayon, halos ang buong Luzon ay apek­tado ng bagyong Ompong.

Ang mga ahensiya ng gobyerno tulad ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Interior and Local Government (DILG), mga pulis at militar, kasama na ang Phi­lippine Coast Guard (PCG) ay nasa ‘red alert’ na upang dagling makatugon sa pangangailangan ng mga komunidad na hahagupitin ng bagyong Ompong.

Iligtas nawa tayo ng Poon at protektahan ang mga tao at mga lugar na dadaanan ni Ompong, na ayon sa mga ‘weather expert’ ay isang super typhoon.

Ano man ang ma­ging epekto ng bagyong Ompong wala sana tayong marinig na nagkaroon ng pagkukulang ang mga ahensiya ng pamahalaan sa pagtugon sa pangangaila­ngan ng mga naapek­tuhang komunidad.

Bago pa man nakapasok sa tinatawag na ‘ Philippine area of responsibility o PAR’ si Ompong, ang kaliwa’t kanang anunsiyo mula sa Pagasa at NDRRMC na isinahimpapawid sa mga himpilan ng Radyo at Telebisyon ganon na rin sa ‘social media’ ay naipaabot sa publiko.

Pinaghanda ang lahat para makagawa ng kaukulang hakbang at pagkilos sa oras na manalasa si Ompong.

***

Panahon ngayon ng anihan. Ang tanim ng ating mga magsasaka sa lugar na apektado ng bagyo ay agad sanang masamsam at mailagay sa tuyong imbakan.

Tulad na lamang sa lalawigan ng Cagayan na ikalawang lugar sa bansa na pinanggagalingan ng bigas. Hekta-hektaryang palay ang kailangan maani kaagad, kung hindi, masasayang ang mga butil sa oras na rumagasa ang bagyong Ompong.

Huwag sanang manalasa ng husto si Ompong upang hindi na maapektuhan ang napakataas nang presyo ng mga produktong agrikultural tulad ng bigas, gulay, karne at isda.

Mataas na nga ang bilihin, magkukulang pa ang suplay ng pagkain, wala pang kita ang mga magsasaka.

Panginoon kami po’y ipag-adya.