Abante Tonite Interactive

Pangmatagalang tulong sa mga taga-Batangas paghandaan

529

Hanggang ngayon ay hindi pa rin natin lubos maisip ang pinsalang ina­bot ng mga kababa­yan natin sa Batangas dulot ng pagputok ng Bulkang Taal.

Bagama’t payapa sa ngayon ang Taal Volcano ay hindi ito nangangahulugang hindi na ito mapanganib.

Kaya nga paulit-ulit ang mga kinatawan ng Philippine Institute of Volcanology ang Seismology (Phivolcs) sa pagpapaalala sa mga biktima ng Taal eruption na huwag pumasok sa mga lugar na deklaradong danger zone dahil hindi natin alam ang mangyayari.

Ang pagputok ng bulkan ay biglaang nangyayari, hindi ito katulad ng bagyo na napagha­handaan, bagama’t may mga nauna nang mga paalala ang Phivolcs pero napakahirap pong magbakasakali dahil buhay po ang nakasalalay.

Pinakamainam po ay sumunod sa mga babala ng Phivolcs at local go­vernment unit dahil ang dalawang sangay na ito ng gobyerno ay nag-uusap, nagpaplano para sa mga dapat gawin upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.

Related Posts

Speaking po ng pagpaplano sana ngayon pa lamang ay makabuo na ng konkretong hakbang ang national government sa kung ano ang dapat gawin sa mga kababayan nating talaga namang nawalan ng bahay, kabuhayan dahil sa nangyaring kalamidad.

Sa ngayon ay bumubuhos pa ang biyaya o tulong mula sa mga nagmamalasakit na kababayan pero dapat pong isipin ng gobyerno na darating ang araw na mapuputol ang buhos ng tulong.

Magiging kaawa-awa ang mga kababayan nating sa ganitong paraan iniaasa ang kanilang pang-araw-araw na buhay dahil sa pinsalang inabot sa pagputok ng Bulkang Taal.

Habang namamayani ang bayanihan ang hangad natin ay kumikilos na ang pamahalaan para bigyan ng nararapat na ayuda ang mga taga-Batangas.

May mga sabi-sabing nakahanap na ang gobyerno ng loteng magiging relokasyon sa mga apektado ng Taal eruption, harinawa ay mapakinabangan talaga ito ng mga evacuee at hindi matulad sa napakaraming itinayong relocation area sa mga napinsala ng iba’t ibang kalamidad pero hanggang ngayon ay nananatiling kahon ang mga ito ga­yong milyong-milyong piso ang inubos dito ng pamahalaan.