Abante Tonite Interactive

Pangulong Duterte, Tatad nagkita, gustong sampalin pero nagtimpi

631

By Aileen Taliping

Taliwas sa palaging banta na sasampalin kapag nagkita, hindi ito nagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte nang magkrus ang landas nila ni dating senador Kit Tatad.

Mainit ang dugo ng Pangulo kay Tatad dahil sa mga isinulat nito noon sa kanyang kolum sa diyaryo na may cancer ito at diumano ay nagpaopera dahil sa kanyang karamdaman.

Sinabi ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa General Santos City nitong nakalipas na araw na nagpangita sila ni Tatad sa isang okasyon ng Philippine Coast Guard at gusto niya itong sampalin subalit nagtimpi lang dahil maraming tao.

Pero sinabihan aniya nito si Tatad na humanda ito dahil sa mga paninirang ginawa sa kanya.

Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya mapapalampas ang ipinagkalat umano ni Tatad na namatay na ito at marami ang nagtawagan sa kanya para kumpirmahin ang kumalat na balita.

“I criticize too but not like that. It was when he said that I had already died that I got fed up with him. I said, sige Tatad, you better watch out. And when we saw each other at the Philippine Coast Guard, I wanted to slap him but there were too many people. So I told him you better watch out,” anang Pangulo.

Dahil sa inis at galit kay Tatad, ginagawa itong tampulan ng katatawan ng Pangulo sa kanyang mga talumpati na aniya ay hindi na tinatayuan dahil mayroon itong sakit na diabetes at iminumuwestra ito sa pamamagitan ng mikropono.