Abante Tonite Interactive

Panic buying, overpricing at hoarding

1,219

Piyesta ngayon ang mga negosyante dahil sa epekto ng coronavirus disease o COVID-19 na sumasalanta sa mara­ming bansa sa mundo, kasama na ang Pilipinas.

Ilang araw matapos kumpirmahin ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na mayroon ng local transmission ng COVID-19 ay nagsimulang mabahala ang publiko at nag-panic buying sa kabila ng pana­wagan ng gobyerno na ma­ging mahinahon sa sitwasyon.

Pero dahil kilala ang mga Pinoy na maagap sa lahat ng pagkakataon, pati ang mga haka-haka ay pinatulan kaya nagsipagbilihan ng mga alcohol at hand sanitizer kaya nagkaubusan ng supply.

Maging ang ibang supply ng pagkain ay parang kidlat sa bilis na naubos sa eskaparate ng supermarkets dahil sa takot na baka mag-lockdown sa Metro Manila bunsod ng COVID-19.

Ngayon ay halos walang mabiling alcohol at hand sanitizers at kung mayroon may ay halos doble o triple ang presyo kaya naman tuwang tuwa ang mga kapitalista dahil tiba-tiba ang kanilang bulsa.

Walang epekto sa mga tusong negosyante ang babala ng Malacañang at maging ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil tuloy ang pagbebenta ng mahal na panghugas ng kamay, pati na ang face mask na sobra-sobra ang taas ng presyo.

Kung tutuusin, wala namang dapat na ika­bahala dahil kumikilos naman ang gobyerno at hindi tinutulugan ang problema para sa kaligtasan ng mga Pilipino.

Ugali na ng mga Pilipino na mag-panic kapag nahaharap sa krisis ang bansa kaya naman tuwang-tuwa ang mga negosyante dahil kumikita sila ng husto.

Pero sa Metro Manila lamang at ilang malalaking lungsod mayroong panic buying dahil sa aking obserbasyon sa Norte, hindi sila nagpapakita mg takot at pagkabahala sa COVID-19. Katwiran ng mga Cagayano, hindi kaya ng corona virus ang mainit na temperatura sa kanilang lugar.

Tandaan po ninyo, ang pagpa-panic at pagiging praning ay hindi gamot sa COVID-19.

Nakakalungkot lang isipin na sa harap ng krisis sa COVID-19 ay may mga tusong negosyante na nagsasamantala sa kabila ng mga warning ng mga otoridad.

Tandaan ninyo, ang mga sakim at mapagsamantala ay hindi habang panahon na magsasaya dahil baka bukas makalawa ay tamaan na kayo ng karma.

Anong malay ninyo, iyan palang alcohol na itinago ninyo ay magamit sa inyo dahil bukod sa formalin na pang-embalsamo, kasama rin ang alcohol na gagamitin sa bangkay ninyo.

Tonite – Wendys Inhouse Ad