Abante Tonite Interactive

Paninigarilyo sama-samang tutukan

211

Kaye Dacer

Prayoridad ng ating gobyerno ang problema sa droga dahil talaga namang isa ito sa pinakamalaking problema ng ating lipunan ngayon.

Pero panahon na para pagtuunan naman natin ng pansin ang lumalaking problema sa paninigarilyo. Aba, taon-taon sa buong mundo namamatay ang halos 17 milyong katao dahil sa yosi at mga sakit at kumplikasyon na dulot nito. Bilyon-bil­yon din ang pinsalang naidudulot nito sa ekonomiya at maging sa kinakaing budget sa public health at socio-economic programs ng mga bansa kaya’t ma­ging ang World Health Organization (WHO) ay seryoso na puksain ito.

Abante Hiring – IT dep

Dito sa ‘tin sa ‘Pinas ay may 17 kataong namamatay kada oras dahil sa pinsala ng paninigarilyo. Ayon ‘yan mismo sa Department of Health na kinuha nila sa datos ng 2016 Global Burden on Disease Study. Ang WHO ay may naitala ring malaking populasyon na halos 16 milyon na mga nagyoyosi sa ating bansa.

Malaki ang pasasa­lamat natin sa EO 26 ni Pangulong Duterte pero kahit saan ay marami pa rin akong nakikitang naninigarilyo. Sa aking pamilya at mga kaibigan pa lang ay marami na akong maililista. Paano nga ba talaga tuluyang mapupuksa ang pag­yoyosi?

May mga programa na ang iba’t ibang bansa sa buong mundo para sa mga nais tumigil manigarilyo katulad ng ‘smoking cessation aid’ na mga produktong magtatawid sa nais mag-quit.

‘Yun kasing tinatawag na ‘cold turkey’ o big­laang pagtigil ay hindi nagiging epektibo dahil sa mga ‘withdrawal symptoms’ na kinakaharap ng isang taong titigil sa yosi.

Kaya nagrerekomenda ang mga eksperto ng smoking cessation aids para unti-unti ang pagtigil at hindi biglaan.

May mga kompanya na ring nag-innovate ng sigarilyo katulad ng paglabas ng mga produktong ‘heat-not-burn’ o HNB kung saan iniinit sa mababang temperatura na hindi nakasasama sa katawan ang laman ng sigarilyo.

Sa ganitong paraan ramdam pa din ng smoker ang lasa at pakiramdam ng sigarilyo pero hindi na kasingsama ng epekto sa katawan ng tao.

May mga development na din sa techno­logy katulad ng tinatawag na ‘electronic ni­cotine delivery systems’ o ENDS kung saan dahil walang ‘combustion’ sa proseso ay walang naidudulot na tar o masamang kemikal na nakakanser sa katawan. Sa ganitong paraan ay dahan-dahan at hindi biglaan ang pagtigil ang pakiramdam ng isang switcher kaya hindi masyadong mahihirapan.

Mas madalas nga ay mas nagiging epektibo pa itong paraan para maitawid ang tuluyang pagtigil sa paninigarilyo. Kasama diyan sa ENDS ‘yung mga electronic cigarettes o ‘yung vape at iba pang produkto na ganito ang sistema.

Bakit hindi natin tingnan ang modelo ng ibang bansang may mahuhusay na programa kontra yosi?

Sa panig naman ng gobyerno, panahon na para tingnan din ang iba’t ibang pamamaraan ng ibang bansa dahil baka makatulong din ito sa atin.

Ang buong mundo ay tumututok sa problema ng paninigarilyo kaya’t sana ay sama-sama na­ting pagtulungan ito para hindi naman maging hadlang sa ating pag-unlad at makapagsagip pa tayo ng buhay ng maaring mapinsala.