Abante Tonite Interactive

Paniningil ng parking fee sa mall ipatigil na

336

Panahon na upang ipahinto na sa mga shopping mall at iba pang establisimyen­to ang paniningil ng parking fee sa kanilang mga customer.

Ito ay kung hindi aakuin ng shopping mall at iba pang establisimyento ang res­ponsibilidad kapag may nagyaring pinsala sa sasakyan.

Ang pagkakabiktima kay ACTS-CIS Party-list Representative Rowena Taduran ng basag bintana sa kotse ay isang patunay upang supi­lin na ang pag-aabuso ng mga shopping mall sa kanilang mga customer.

Nagbayad naman si Congresswoman Taduran ng parking fee sa isang shopping mall sa paniniwalang ligtas ang kanyang sasakyan sa car park ng mall.

Pero wala palang nakakabit na CCTV at hindi binantayan mga security guard ang mga sasakyan na nakaparada sa loob ng car park.

Related Posts

Dapat ay huwag kunsintihin ng gobyerno ang gawain ng mga shopping mall na kahit sila ay sumisingil ng parking fee ay wala silang responsibilidad sa sasakyan.

Kung ayaw nilang managot sa posibleng pinsala sa mga sasakyan ng kanilang mga customer ay huwag din silang ma­ningil ng parking fee.

Sana ay maisulong ni Cong. Taduran ang panukalang batas at maging batas ang pag-oobliga sa lahat ng shopping mall at iba pang establisimyento na kung maniningil sa parking ay may kaakibat itong pananagutan.

Upang sa gayon ay mapipilitan ang mga ito na mahigpit na bantayan ng kanilang mga security guard at maaaring mag-ins­tall ng CCTV para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga customer.