Abante Tonite Interactive

Pantanggal lungkot! TV sa mga evacuation center

221

Upang maibsan ang kalungkutan ng mga bakwit na biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal, naglagay ang Department of Health (DOH-Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon (Calabarzon) ng 166 unit na 32 inches na mga LED na television sa mga piling evacuation center.

Ayon kay DOH-Calabarzon Regional Director Eduardo Janairo, nararamdaman nila ang emotio­nal at mental stress ng mga bakwit sa lugar habang hinihintay ang panahon na makabalik silang muli sa kanilang mga tahanan kaya naisiip ng kagawaran na bigyan sila ng pansamantalang aliwan.

“People in evacuation centers are suffering from emotional and mental stress daily while they remain in their makeshift shelters awaiting to return to their homes while others have nothing to go back to due to the damage to their properties caused by the Taal eruption. ‘Yung sobrang pag-iisip dahil sa nangyaring kalamidad kadalasan can cause anxiety disorders at depression,” ayon kay Janairo.

Dagdag pa ni Janairo, hindi ordinaryong TV lamang ang ibi­nigay kundi may kasama itong flash drive na may kuwentong pambata, video ng physical fitness at pamamaraan ng tamang hygiene at pag-iwas sa mga sakit.

“Hindi lang ito for information dissemination, magagamit din ito for recreation at entertainment pleasure upang mabawasan ang kanilang nararamdamang lumbay at makapagbigay sa kanila ng pag-asa,” paliwanag ni Janairo. (Gene Adsuara)