Abante Tonite Interactive

Pantay lang: Mayaman at mahirap

By ,
1,483

Ilang buwan na lang, ‘graduation’ na naman ng mga mag-aaral.

Kaya naman ang mga bagong graduate sa kolehiyo ay nagsisimula ng maghanap ng trabaho.

Ang mga estudyanteng nasa On-The-Job-Training (OJT) na ay malaki ang tsansa na makuha ng mga kompanyang kanilang pinaglilingkuran.

Subali’t, isang grupo naman ng mga negosyante ang nababahala sa kalidad ng edukasyon ng mga batang magtatapos ngayon taon sa ilalim ng programang K-12.

Ayon sa Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI bagamat pwede ng magtrabaho, tila kulang ang 80-oras  na minimum requirement para sa OJT ng mga batang ito.

Kumbaga sa sinaing, hilaw pa.

Sa ilalim ng K-12, pinahaba ang basic education system mula 10  hanggang sa 12 taon.

Ang edad ng mga nakatapos ng senior high school ay 18-taong gulang at maaring tumuloy sa kolehiyo o kaya naman ay maghanap na lamang ng trabaho.

Dininig sa Senado ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o Train Law sa halaga ng kuryente at produktong petrolyo.

Walang duda sapul at sagasa ng rumaragasang Train Law ang lahat ng  Pilipino.

Mayaman at mahirap may tama.

Kawawa ang mga mababa lang ang kita at walang regular na trabaho.

Kung ang mga may trabaho ay umaaray na sa paggalaw ng mga pangunahing bilihin, paano pa kaya ang mga “ isang kahig, isang tuka?”

Kung tataas ang presyo ng kuryente,

malamang na tumaas din ang bilang ng magkakabit ng mga “jumper.”

Panibagong pasanin ito ng mga consumer ng Meralco na siyang nagbabayad sa mga ninanakaw na kuryente.

Hindi pa man natatapos ang buwan ng Enero dama na kaagad ng publiko ang init ng Viernes Santo.

Gumalaw na ang presyo ng halos lahat ng pangangailangan ng mga tao.

Nakaumang na ang 10 pisong minimun na pasahe sa dyip mula 8 piso.

Hindi malayo susunod na ang pasahe sa bus at barko.

Ang presyo ng bigas hindi pa  gumagalaw pero walang katiyakan kung  hindi ito magmamahal?

Kaya kayod ng husto, para makatawid sa nakaumang na delubyo.