Abante Tonite Interactive

Panukala vs endo pinamamadali ni Digong kay Sotto

By
646

Pinamamadali na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa liderato ng Senado ang pag-aksiyon sa panukalang batas na tutuldok sa ‘endo’ o contractualization ng mga manggagawa.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry­ Roque na lumiham ang Pangulo kay Senate President Vicente Sotto III para bilisan ang pag-aksiyon at pagpapatibay sa Senate Bill 1826 na magbibigay-garantiya sa security of tenure ng lahat ng mga obrero sa bansa.

Ang panukalang Anti-endo Law ay naipasa na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at ang bola ay nakasalalay na sa mga senador.

Sinabi ni Roque na naaprubahan ang pa­nukala sa Kamara noong Enero 29, 2018 pero nakabinbin pa ito sa Senado ngayon.

Sa kasalukuyan ay mga local agency ang nagsu-supply ng mga manggagawa sa mala­laking kompanya pero ang nais ni Pangulong Duterte ay mismong mga kompanyang nag-eempleyo ang mag-re­gular sa mga manggagawa.

“Kinakailangan ho ngayon ay direct na silang i-empleyo ng mga kompanya at hindi na kailangang dumaan sa mga employment agencies. It is now certified urgent by the President,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na ipinangako ito ng Pa­ngulo noong panahon ng kampanya na tatapusin niya ang endo sa bansa.