Abante Tonite Interactive

Panukalang bawas singil sa parking fee uusad na

0 198

Sisimulan na ng Senado ang pagdinig sa panukalang batas na magbibi­gay ng proteksiyon sa mga konsyumer laban sa mga mapang-abusong establisimyento na naniningil ng sobra-sobrang parking fee.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, ang Senate Bill No. 745 o Parking Fees Regulation Act ay isang napapanahon at tuwid na hakbang na lulutas sa problema ng mga konsyumer sa mga polisiya sa paniningil ng parking fee ng mga pamilihan at establisimyento.

Nakatakdang dinggin ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship ang panukala sa Oktubre 8.

Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaroon ng isang regulasyon sa pa­ngongolekta ng parking fee sa mga pasilidad ng ospital, eskuwelahan, at iba pang mga establisimyento, kabilang ang mga bakanteng lote at gusali na pinagkakakitaan lamang bilang parking lot — upang maging patas at abot-kaya ito sa mga konsyumer.

Gagawin ding P40 ang standard parking fee sa bawat sasakyan sa loob ng walong oras at dagdag na P10 sa bawat oras na madadagdag.

Kung magdamag namang magpaparada ang konsyumer, P100 sa bawat sasakyan ang ipapataw para sa kabuuang oras na inilagi nito sa parking lot.

Kapag nasa P1,000 ang pinamiling produkto at serbisyo ng konsyumer at hindi lalagpas sa tatlong oras ang kanyang pagparada, libre na dapat ang parking fee.

Nakasaad din sa panukala na papanagutin ang may-ari ng mga establisimyento kung may nawalang gamit o nasira sa sasakyan ng konsyumer habang nakaparada ito sa kanilang parking lot.

(Dindo Matining)