Abante Tonite Interactive

Paolo naglambing ng block screening kay Alden

By
0 1,451
tonite-pak-allan-diones
Natawa na kiyemeng nahiya si Paolo Contis nang udyukan namin na brasuhin niya ang mga close friend niya sa showbiz na magpa-block scree­ning para sa pelikula niyang “Through Night and Day” katambal si Alessandra de Rossi.
First time ni Paolo maging leading man kaya sabi namin, may karapatan siyang maglambing sa mga friend niya, tutal ay uso ngayon ang mga pa-block screening para makatulong na kumita ang pelikula.
Una niyang nabanggit ang pa­ngalan ni Dingdong Dantes na malapit niyang kaibigan. Tapos ay sumunod si Alden Richards.
Natawa kami sa dayalog ni Pao na, “Alden, dati nu’ng hindi ka pa sikat, binigyan kita ng shoes, ‘di ba? Ano ba naman ‘yung bigyan mo si Kuya Pao ng block screening?” sabay halakhak.
Cute daw ‘yung kuwento no’n na magkakasama sila dati sa Kapuso serye na “My Beloved” nina Dingdong at Alden. Kailangan daw ni Alden ng leather shoes sa isang eksena, so pinahiram niya rito ang kanyang Zara na charol shoes.
Nagandahan daw si Alden, so binigay na lang niya ‘yung sapatos after nitong gamitin sa eksena.
Natuwa raw si Paolo dahil ‘pag tsinek mo ang Instagram ni Alden ay nandu’n ‘yon sa mga unang post nito.
Sey ni Pao, malamang hindi na maulit ang pagiging romantic leading man niya, so sasabihan niya ang mga friend niya na magpa-block screening para sa kanya.
Proud si Paolo sa movie nila ni Alex na kinunan sa Iceland. Ito ang biggest break niya sa big screen, tapos ay dalawa lang sila ni Alex na bida rito. At saka uso raw ang batang ‘90s ngayon gaya ni Carlo Aquino, so sana ay mag-hit din ito bilang batang ‘90s din siya.
Masipag mag-promote si Pao, pero hindi pala siya puwedeng mag-promote sa kabilang network. Si Alessandra ang magpo-promote sa GMA like sa ‘Eat Bulaga’ at sa ‘Sunday PinaSaya’ kasama niya.
Gustong kumita ni Pao ang “Through Night and Day” dahil nagtiwala at nag-invest sa kanila ni Alex ang Viva at OctoArts Films. Sana raw ay maibalik nila ‘yon para na rin sa lahat ng nagpakahirap sa pelikula.
Sa November 14 ang showing nationwide ng “Through Night and Day” na dinirek ni Roni Velasco.
Pagkatapos nito ay meron pa si Paolo na “Pangarap Kong Holdap”, isang absurd male comedy movie na panay kagaguhan lang kasama niya sina Jerald Napoles, Pepe Herrera at Jelson Bay. November 28 naman ang showing nito sa mga sinehan.
Tangkang pagpapatiwakal ni Diego ‘privacy’ ang hiling
Kawindang ang balitang tangkang pagpapatiwakal ni Diego Loyzaga.
Very sensitive ang isyu ng suicide lalo na sa panahon ngayon na malaking usapin ang tungkol sa mental health sa dami ng nakakaranas ng depression, mapabata o matanda.
Ang naisip agad namin ay ang kapatid ni ­Diego sa amang si Cesar Montano na si Angelo Manhilot, na namatay from a gunshot wound nang mag-suicide ito nu’ng 2010.
Nang huli naming makausap si Diego sa mediacon ng ‘Los Bastardos’ ay applauded pa ang sagot ng 23-anyos na binata tungkol sa pagiging bastardo niya sa totoong buhay.
Aliw din ‘yung pabirong claim niya na siya ang may pinakamagandang katawan sa limang hunks ng ‘Los Bastados’.
Inamin ni Diego na nalulungkot siya kapag sumasapit ang ‘ber’ months kaya mas gusto niyang nagbabakasyon abroad kasama ang inang si Teresa Loyzaga, pero hindi namin maiisip na kaya niyang saktan ang sarili niya.
Nakakapanlumo ang balitang diumano ay nag­laslas ng leeg at pulso si Diego gamit ang Swiss knife nu’ng Martes nang gabi, na agad naman daw pinuntahan ng medics sa bahay nito.
Nandu’n daw si Janno Gibbs (asawa ng tiyahin ni ­Diego na si Bing Loyzaga) habang nilalagyan ng first aid ang tinamong mga sugat ng binata. Pagkatapos ay dinala na raw ito sa St. Luke’s, QC.
Binisita raw ito ni Bing at ng mga anak nito kamakalawa, although walang gustong magsalita sa ospital na pinagdalhan sa aktor bilang respeto raw sa privacy ng pasyente.
Nang matanong ang Star Magic tungkol dito, ang sagot daw ay nagkasakit lang si Diego kaya na-confine. May statement din na okey raw ito at nagre-request ng privacy.
Mahirap magkomento ng kung ano-ano hangga’t wala pang kumpirmasyon mula mismo sa kampo ng binata. Masalimuot na usapin ang suicide na dapat ay hina-handle ng may sapat na pag-iingat.
Ang mahalaga ay ligtas na si Diego sa kapahamakan at harinawang malampasan niya kung anumang pagsubok ang pinagdaraanan niya ngayon.
Baka makabubuti rin kung personal na dadalawin at makakausap ni Cesar ang kanyang anak.