Abante Tonite Interactive

Papayat ka sa ehersisyo

410

ANG SA AKIN LANG
Julius Segovia

Kung hindi umubra sa pagpapapayat mo ang panonood ng horror films at pakikipaghalikan. Back to basic ka muna, ang pag-eehersisyo!

Kung tutuusin, hindi lang pagiging slim and healthy ang mabuting dulot ng regular exercise. Malaki ang maitutulong nito para makaiwas sa iba’t ibang uri ng sakit.

Maaari rin maging stress reliever ang pag-eehersisyo.

Isa sa pinakamabisang ehersisyo ang pagla­lakad. May mga app sa smart phone ngayon na puwede nang bumilang ng steps mo kada araw.

Maglaan nang tatlumpung minuto o higit pa sa gawaing ito araw-araw. Kung walang oras, maglakad na lang sa hagdanan kaysa gumamit ng elevator o escalator. Maglakad na lang din papasok sa eskuwela o opisina kung hindi naman malayo sa iyong tirahan.

Malaki rin ang maitutulong ng paglalakad sa mga taong may hypertension. Nagagawa rin nitong maitaas ang level ng good cholesterol.
Naiiwasan din ang posibilidad ng pagkakaroon ng cancer. Habang tumatakbo, maayos na naikakalat ang oxygen sa ating katawan na siya namang nagpapabagal sa pagkalat ng cancer cells.

Isa pa sa puwedeng gawin ang jumping jack, lalo na bilang warm-up exercise. Tulad ng push up, nakatutulong din ito sa ating puso at naka­babawas din ng timbang. Ang paghinga ng malalim habang tumatalon ay tumutulong sa oxygen para dumaloy nang maayos sa ating bloodstream at sa ating mga muscle.

Sa mga gusto namang palakasin ang braso, balikat at dibdib, magandang ehersisyo ang push up. Malaki rin ang benepisyo rito ng ating puso. Kung gusto namang patibayin ang hita, bikti at balakang, mainam na gawin ang squats.

Bukod sa physical exercise, marami rin ang gumagamit ng meditation as form of exercise. Nakatutulong naman ito sa ating isipan. Nawawala ang stress at naghahatid ng positibong pananaw sa buhay ang meditation.

Kung may nakasanayan ka ng sports gaya ng basketball o volleyball, puwede na rin itong maging bahagi ng iyong ehersisyo.

Ang sa akin lang, mainam pa ring kumonsulta sa inyong doktor kung sasailalim sa mabigat na exercise. Tandaan, maaaring makasama sa katawan ang ehersisyo kapag nasobrahan.