Abante Tonite Interactive

Papel ng kababaihan, ‘di matatawaran

287

Dahil araw ngayon ng kababaihan ay alamin natin kung ano nga ba ang halaga, papel na ginagampanan at naiaambag nila bilang isang babae.

Isa sa pinaka-di-matatawarang ganap sa isang babae ay ang pagdadalantao hanggang sa maisilang nito ang sanggol na nasa sinapupunan nito.

Pagkaluwal sa anak ay tungkulin nitong magpasuso at silbing gabay habang unti-unting nagkakamalay at lumalaki ang supling.

Unang guro at tagapagturo sa mga unang kataga at paraan ng pagsasalita ng isang bata hanggang sa lumaki ito at tuluyang mahubog.

Ang pangunahing nagmamalasakit sa kalusugan, edukasyon, pag-iisip, personalidad, pagkatao, pananam­palataya at emosyonal na katatagan ng kanyang bawat anak.

Ilaw ng tahanan. Nangangasiwa sa pananalapi.

Bukod sa papel sa pamilya ay katuwang na rin sila ng kalalakihan sa paghahanapbuhay. Nagtatrabaho sa ibang bansa. Marami na ring babaeng negosyante sa bansa na umangat, kinilala at naihanay sa pinakamahuhusay sa negosyo.

Malaki rin ang nagiging kontribusyon nila sa lipunan. Matatalino at malalakas ang loob. May mga nagdidirehe na ng mga pelikula, nagtatayo ng mga gusali, nagbubungkal ng sakahan, nagpapalipad ng eroplano, at naglilingkod sa pinakamatataas na posisyon sa gobyerno.

Ilan lamang ito sa maipagmamalaking katangian ng kababaihan kaya dapat natin silang saluduhan.