Abante Tonite Interactive

Papel ng mga LGU sa nCoV scare

272

Hindi maiiwasan na mangamba ang local go­vernment ng Capas, Tarlac sa pananatili ng mga na-repatriate na mga Pinoy mula sa Hubei, China, ang tinatawag na epicenter ng 2019 novel coronavirus-acute respiratory disease.

Ilan sa kinatatakutan ay makahawa ang mga kababayan natin na mananatili sa New Clark City na magsisilbing quarantine faci­lity habang ipinatutupad ang 14-day incubation period.

Bukod sa pagkalat ng virus, target ng gobyerno na makontrol din ang pagkalat ng fake news tungkol sa nCoV para maiwasan na maalarma ang publiko.

Nauunawaan natin ang pangamba ng local government ng Capas, Tarlac pero tungkulin din ng mga local official na alamin ang tamang impormasyon.

Halos regular ang briefing ng Department of Health (DOH) tungkol sa nCoV scare. Res­ponsibilidad ng mga local official na intindihin ang mga advisory mula sa DOH at iba pang concerned government agency sa halip na dumagdag sa nagpapa­kalat ng takot sa kanilang mga constituent.

Tungkulin ng mga local official na ipara­ting sa kanilang mga kababayan ang tamang impormasyon.

Paulit-ulit na sinasabi ng DOH na hindi airborne ang virus. Makukuha lang ito kung malapitan o person-to-person o close contact sa tao na positibo sa nCoV kung umubo o bumahing sanhi ng droplet.

Walang pinag-iba ito sa pagmamatigas ng isang lokal na opisyal sa Batangas noong kasagsagan ng evacuation ng mga residente sanhi ng pagputok ng Bulkang Taal.

Sa halip na mapabilis noon ang paglilikas, nade-delay ang evacuation dahil sa halip na agad sumunod, hindi alam ng mga residente kung sino ang susundin, ang utos ba ng national government o pagmamatigas ng lokal na pamahalaan?

Sa kabilang banda, dapat ilatag ng DOH ang kongkretong plano sakaling tumagal ang banta ng nCoV sa bansa.

Hindi sapat sabihin na kumpleto ang facility ng New Clark City. Lalong hindi pampalubag-loob na mala-hotel ang mga pasilidad nito.

Sila ay hindi mga tu­rista. Hindi sila dapat manatili sa mala-hotel na facility. Ang dapat ay hospital facility na puwedeng ma-accommodate ang mga person under investigation para maiwasan ang takot na sila ay makakahawa.