Abante Tonite Interactive

Paperless na naman!

311

Ito ang bill na isinusulong sa Senado para maiwasan na ang paggamit ng mga single use plastic na isa sa pangunahing dahilan ng pagbaha dahil sa hindi maayos na pagtatapon ng basura at para makatulong sa pangangalaga sa ating kapaligiran.

Sa kanyang manifestation last week sa plenaryo, hinimok ni Senator Pia Cayetano ang mga kapwa senador na pangunahan ang kampanya na huwag nang gumamit ng mga plastic water bottles.

Namudmod ng mga bamboo bottle si Ca­yetano at marami sa mga kasamahang senador ang ginagamit na ito sa halip na mga bottled water.

Gusto rin ng Senado na maging example para mabawasan ang konsumo ng papel at mabawasan ang nakukulektang mga basura kada linggo.

Sa rekomendasyon ni Cayetano, sa halip na mag-print araw-araw ng 90 pages para sa agenda at reference of business kada senador, ipadala na lang ito sa pamamagitan ng e-mail.

Bilang tugon, sinabi ni Senate President Tito Sotto, magbibigay ng regular update ang Senate Secretariat kung bababa ang nakukulektang basura sa Senado at palakasin ang recycling at reusing establishment o Material Recovery Facility ng bawat ahensiya ng gobyerno.

Sa kabilang banda, hindi pahuhuli ang Kamara, kung paperless transactions din naman ang pag-uusapan.

Hindi rin bago ang planong paperless transaction sa Kamara dahil noon pa palang 15th Congress ito isinusulong.

Sa plano noon, sa halip na magpa-print ng pagkarami-raming mga papel, bibigyan na lang ng laptop ang bawat congressman para doon basahin ang mga agenda, reference of business, bills etc.

P150,000.00 ang halaga ng isang laptop at ito’y ipinamahagi sa bawat mambabatas noong 15th Congress.

Nabili ang milyones na halaga ng mga laptop, pero natuloy ba ang paperless transaction sa Kamara?

Sa dinami-dami ng mga congressman, ta­nging si Congressman Angelo Palmones, na kinatawan ng AGHAM Party-list noong 15th Congress ang nagsoli ng laptop.

Sabi ni Palmones, “di ko tinanggap dahil overpriced. Kung gustong magkaroon ng laptop ang mga mambabatas, bakit kukunin pa sa pondo ng taongbayan?”
Fastforward… isinusulong na naman ngayon ang paperless transaction sa Kamara.

Laptop uli ang bibilhin ngayong 18th Congress.

Depensa ng mga mambabatas, ‘di tulad noon na P150K bawat isang laptop, malaki raw ang matitipid ngayon dahil tig-P20K ang bibilhing laptop para sa mga mambabatas.

Aabot sa P6 milyon ang gagastusin sa pagbili ng mga laptop para sa mga mambabatas at makatitipid daw ng P3 milyon ang Kamara dahil taon-taon umaabot sa P9 milyon ang ginagastos sa pagbili ng coupon bond.

Tanong, nasaan na ang tig-P150K na laptop na binili noon? Binabasa ba ang sangkaterbang pini-print o ini-email na agenda, reference of business, bills, etc. na pinadadala sa mga Kongresista?

Kung may effort na makatipid at mabawasan ang konsumo sa paggamit ng papel, wala bang ibang paraan ang Kamara? Bakit kukunin na naman sa pondo ng taumbayan?