Abante Tonite Interactive

Papuri sa mga kababaihan ngayong Women’s Month

640

Nitong nakaraang Marso 8 ay ipinagdiwang ng buong mundo ang International Women’s Day, at ngayong buwan ay ipinagdiriwang naman ang Women’s Month.

Ang bagong administrasyon ng pamahalaang lokal ng Maynila sa ating pamumuno ay buo ang pagsuporta sa women empowerment at gender equality, at binibigyang-pugay natin ang mga kababaihan at ang kanilang mahahalaga at ‘di mabilang na kontribusyon at papel sa pangkalahatang progreso at pag-usad ng ating bansa.

Tapos na ang mga araw kung saan ang mga kababaihan ay nasa ‘background’ lamang at nakakulong sa mundo ng makaluma at tradisyunal na papel bilang suporta lamang sa pamamayani ng mga kalalakihan sa loob ng bahay at maging sa iba’t ibang uri ng ‘fields of endeavor’.

Gamitin natin ang buwan ng Marso sa pagbibigay-pugay sa mga kababaihan kung kanino utang nating lahat kung bakit tayo ay narito. `Di maikakaila na lahat tayo ay narito dahil sa ating mga ina kaya naman sila ang dapat na papurihan una at higit sa lahat.

Maaari natin itong gawin sa pamamagitan ng pagyakap, paghalik at pag-text man lang sa ating mga ina para ipaalam at ipadama sa kanila kung gaano natin sila kamahal. Pasalamatan natin sila sa lahat ng kanilang mga naging sakripisyo at pagmamahal upang mapalaki tayo at mahulma sa kung anong uri ng tao tayo sa ngayon.

Nananawagan din ako sa lahat na galangin ang mga kababaihan sa lahat ng oras, pati na sa workplace. Hindi lamang dahil sila, gaya natin ay mga tao kundi higit sa lahat, sila ay mga babae.

Tinitiyak ko na sa Lungsod ng Maynila, ang kahalagahan ng mga kababaihan ay sadyang sineseryoso at sa lahat ng oras, patas ang trato sa babae at lalaki. Aminado rin tayo na kung minsan, mas magaling ang mga kababaihan kaysa kalalakihan pagdating sa trabaho at multi-tasking.

Sa Manila City Hall lamang, malaking bilang ng mga namumuno sa mga department, bureau at office ay kababaihan, gayundin sa personnel o rank-and-file, at napatunayan nila ang kanilang angking galing at pagiging karapat-dapat sa patas na oportunidad.

Mayroon din tayong aktibong gender and development (GAD) office na tumutulong sa pamahalaang lokal sa pagbalangkas ng mga programa na lumilikha ng ‘awareness’ ukol sa mga gender sensitivities at nagtitiyak na lahat ng kasarian ay may pantay na karapatan sa lahat ng oras.

***

Hindi ako makahagap ng tamang salita upang isalarawan ang aking naramdaman nang isang walang kalaban-laban na babaeng elementary student ang lumapit sa akin upang ihingi ng hustisya ang panggagahasa sa kanya.

Ang kanyang pagiging desidido at tapang ng karakter sa murang edad ay talagang kahanga-hanga. Bagama’t may takot pa rin bunga ng kanyang dinanas, ipinakita ng biktima ang tapang na papanagutin ang suspect, na aniya ay nais niyang mabulok sa kulungan at nangako ring itutuloy ang kaso na isinampa laban dito.

Gayunman, nagpahayag ito ng kaba sa pananakot na ginagawa ng mga kasamahan sa gang ng suspect, na diumano ay binabantaan pa siya kung hindi niya babawiin ang kaso at mapapawalan ang suspect na si Leo Melanio alyas ‘Small’, isang 23-anyos na stay-in veterinary assistant sa isang pet salon sa Pedro Gil Street sa Paco, Maynila na diumano ay nagdodroga.

Aking inatasan sina Special Mayor’s Reaction Team (SMART) chief Maj. Jhun Ibay at Manila Police District-Sta. Ana Police Station 6 commander Police Lt. Col. Evangeline Martos na siyang may hurisdiksyon sa kaso, upang habulin ang mga gangmate ng suspect at balaan ang mga ito na tigilan ang biktima. Pawang mga drug addict daw ang grupong ito.

Tinitiyak ko na magsasagawa tayo ng karampatang aksyon laban sa mga ito kung hindi nila lalayuan ang biktima.

‘Yung mga kasama ng nang-rape, magbabarkada kayo, kilala na namin kayo. May mabalitaan lang ako na tinatakot ninyo ang biktima, alam namin ang address ninyo pati Facebook ninyo pati ang tawag sa gang ninyo. Parap-rap na kayo. May picture rin kami ninyo.

Wala kayong kinalaman sa kasong ito, hindi kayo kasali pero ‘pag kayo nakibahagi at tinakot ninyo ang biktima, papanagutin namin kayo. Manahimik kayo. Ilang beses kong inianunsiyo ang aking babala at tinitiyak ko na seryoso ako tungkol dito.

Nananawagan din ako sa publiko na ipaalam sa aking tanggapan o sa pulisya kung sakaling may impormasyon kayo ukol sa mga iligal na aktibidad ng mga gang member na ito o kung may pinaplano man silang hindi maganda lalo na sa biktima. Tulungan ninyo ang inyong pamahalaang lungsod na protektahan ang kaawa-awang biktima.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!

***

Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.