Abante Tonite Interactive

Para di kapusin sa PEE ang mga frontliner: Gobyerno dapat putulin red tape – Imee

474

Hindi magkakaroon ng problema sa kakapusan sa personal protective equipment o PPE at iba pang gamit medical ng mga frontliner kung magluluwag lang ang gobyerno sa isyu ng red tape.

Ito ang sinabi ni Senador Imee Marcos matapos manawagan sa Department of Health at Department of Trade and Industry na madaliin ang pag-apruba ng PPE prototype na sinumite ng garment export industry na may 300,000 mga mangagawa para makatugon sa kakulangan ng nasabing supply na ngayon ay dinaranas ng buong mundo.

Sabi ng senadora, ang agarang pag-apruba sa PPE prototype ay magdudulot ng trabaho sa garment industry sa Taytay, Rizal at mabibigyan din ng pag-asa para kumita ang mga mananahi sa Cavite at iba pang garment producing communities sa bansa.

“Diskarteng Pinoy ang pag-asa natin para makaahon at malampasan ang krisis dulot ng COVID-19. Walang mangyayari sa atin kung lagi lang tayo maghihintay ng supply o donasyon galing sa ibang bansa,” paliwanag ni Marcos.

Ayon pa kay Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang pagpopondo sa mga industriyang lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic at pagbibigay trabaho na labis na kailangan sa mga panahong ito ay bahagi ng P750-Bilyong “Pag-ASA: Alaga, Sustento, Angat” program na inihain ng senador sa Senate Bill 1414.

“Luwagan na ang red tape para mapabilis ang daloy ng pagkain at mga kinakailangang medical supplies. Ang bigas, gulay, poultry na manggagaling sa Norte dapat binibyahe na papuntang Metro Manila,” sabi pa ng lady solon. (Dindo Matining)

Tonite – Wendys Inhouse Ad