Abante Tonite Interactive

Para iwas hawa: Online session hirit sa COVID-19 budget

0 432

Hinirit ng isang mambabatas na maaaring gawin ng Kongreso ang isang online session at voting, kailangan lamang baguhin o amyendahan ang mga alituntunin nito.

Tinukoy ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang Sections 16 at 26 ng Article VI ng Konstitusyon para sa legislative department.

Aniyam sa ilalim ng Section 16, pinapayan ang bawat kapulungan na alamin ang rules of proceedings nito habang ang Section 26 ay nagtatakda naman ng procedure para sa pagpasa ng isang panukala na kung saan sinasabi dito na kinakailangan sumailalim sa tatlong pagbasa sa makahiwalay na araw ang isang panukala at gumawa ng kopya na dapat ipamamahagi sa mga mambabatas tatlong araw bago ipasa sa ikatlong pagbasa.

Ngunit paglilinaw ni Rodriguez, ang three-day requirement ay maaari nang alisin kung sesertipikahan ng Pangulo ang panukala para agad ipasa upang tugunan ang public calamity o emergency.

Sinabi pa ng kongresista na bagama’t ang Section 26 ay kinokonsidera ang personal na pagdalo ng mga mambabatas para sa tatlong hiwalay na pagbasa ng panukala ngunit sa ilalim ng Section 16, ang dalawang kapulungan ng Kongreso ay maaari namang suspendihin ang mga alituntunin sa ganitong panahon ng emergency upang pahintulutan ang online session at voting.

“With the President certifying the needed bills to address Covid-19 as urgent, there will be no need for the three-day publication rule. I call on the President to officially call a special session of Congress and for both houses to immediately convene in online session. We need to act now,” dagdag ni Rodriquez.

Nauna rito ay hinirit naman ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na payagan ang pagboto ng mga kongresista sa pamamagitan ng text messaging para makalahok sa special session ng Kongreso upang maaprubahan ang supplemental budget na gagamitin ng pamahalaan para tugunan ang state of public health emergency na bunga ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Pinapatupad kasi ang social distancing sa umiiral na enhanced community quarantine upang hindi mahawa sa COVID-19 at mapigilan ang lalo ang paglaganap nito sa bansa. (Eralyn Prado)