Abante Tonite Interactive

Para makuntento ang mga Pinoy Bitayin ang pumatay kay Joanna- Pacquiao

By
3,299

Upang mapahupa ang galit ng pamilya at ng nakararaming Filipino sa brutal na pagpatay kay Joanna Daniela Demafelis, iginiit ni Senador Manny Pacquiao sa bansang Kuwait na bitayin ang Lebanese employer kapag nasakote ito.

Ayon kay Pacquiao, mayroong batas ang Kuwait na ipinapataw ang pinakamabigat na parusa sa mga nagkasala kaya dapat na hanapin at tugisin ang amo ni Demafelis para mapanagot sa ginawang krimen.

“Naawa ako sa kanila dahil ‘yung iba may mga pasa pa, may mga bugbog. Para bang… masakit sa akin na tignan ‘yung mga kababayan natin na inaapi sa ibang bansa na malaki man sana ang naitulong natin sa kanila dahil na tayo ang nagtatrabaho sa kanila at tayo ay tumatanggap lang ng pinaghihirapan natin. Pero ‘yung pang-aabuso, dapat… para sa akin, ‘yung mga gumawa nu’n, kung ‘yung government ng Kuwait ay huwag nilang i-tolerate, i-death penalty nila ‘yun kasi ‘yung batas nila.”ani Pacquiao.

“I-death penalty nila ‘yung employer na gumawa nun at siguro, masa-satisfy tayo, magkaroon tayo ng kaginhawaan sa puso natin, kaginhawaan ng Kuwait government na i-impose din nila ‘yung batas nila doon sa kanilang mga citizen dahil buhay itong nawala at hindi tayo parang hayop lang na basta lang patayin at apihin,” giit pa ng senador.

Si Demafelis ay natagpuan sa loob ng freezer ng abandonadong apartment noong Miyerkoles habang ipinapatupad ng mga pulis ang court order para sa pagpapalayas sa mga tenant ng apartment. Hinala ng mga awtoridad, may isang taon nang nasa loob ng freezer ang biktima dahil 2016 pa umalis ang amo niyang Lebanese na si Nader Essam Assaf.

Nagpatulong naman si Pacquiao kay Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte para maiparating sa Kuwait ang hinihingi nilang parusa laban sa dating amo ni Demafelis.

Ang senador ay kasama ng Pangulo na humarap sa press conference sa Davao City kung saan ipinakita ang kalupitang dinaranas ng marami sa overseas Filipino worker mula sa kanilang employer sa Kuwait.